Pumalag si Sarangani Lone District Representative Steve Chiongbian Solon sa mga nagsasabing siya raw ang kongresistang naispatang nanonood ng online sabong sa kaniyang gadget, habang nagaganap ang plenaryo sa House of Representatives noong Lunes, Hulyo 28, para sa botohan ng pagka-house speaker.
Inakala kasi ng mga netizen na siya ang tinutukoy sa headline ng Balita na "Solon, naispatang nanonood ng online sabong sa sesyon ng HOR."
Ang salitang "solon" ay matagal nang ginagamit na salitang katumbas ng lawmaker o tagagawa ng batas.
Isa pa, wala ring nabanggit, tinukoy, o pinangalanang kongresista sa loob ng artikulo dahil hindi rin naisapubliko ang pagkakakilanlan ng nabanggit na kongresista, dahil nakatalikod ito.
Kaya naman, mismong si Rep. Solon na ang nagtuwid sa mga nagta-tag sa kaniya at inakalang siya ang tinutukoy sa nabanggit na headline.
"It has come to my attention that people are tagging my name to a viral post. So let me clarify this once and for all -- I don't gamble nor do I approve of online gambling," aniya.
Paliwanag din niya, "Pag may nagheadline ng ganito 'Solon, naispatang nanood ng online sabong...' ang ibig sabihin ng SOLON ay LAWMAKER in English."
"Hindi lahat ng nakasulat na Solon ay ako."
"Let's be functional readers not instant reactors," pagtutuwid pa niya.
Wala namang nakitang mali ang kongresista sa headline na nakasulat sa publication material o pubmat.
PAG-AMIN NG TUNAY NA SOLON
Samantala, inamin naman ni AGAP partylist Rep. Nicanor Briones na siya ang nasa likod ng viral photo ng solon na nanonood ng e-sabong habang nasa loob ng Kamara.
Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, nilinaw niyang may nagpadala lamang daw sa kaniya ng naturang e-sabong video.
“May nag-message sa akin sa Messenger. So, tiningnan ko lang naman. Hindi ko naman akalain na mayroon palang magkukuha nung aking mga private messages. So nagulat na lang ako dahil alam ko naman mayroon talagang hindi dapat tinitignan pero okay lang ‘yon dahil malinis ang konsensya ko,” ani Briones.
Dagdag pa niya, hindi raw siya nagsasabong at hindi rin tumataya sa e-sabong dahil hindi raw niya alam ang paggamit ng online transactions.
KAUGNAY NA BALITA: AGAP Partylist Rep. Briones, umalma sa viral photos; nanood lang pero ‘di tumaya!