Umabot sa 19 na miyembro ng kapulisan ang nasibak sa unang buwan ng panunungkulan ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III bilang hepe ng pulisya.
Ayon sa Inspector General ng PNP Internal Affairs Services (IAS) na si Atty. Brigido Dulay, iginiit niyang magkakahalo na raw ang kaso ng mga pulis na nasibak sa ilalim ng liderato ni Torre.
“Ito ay hango sa mga mandato ng IAS sa mga automatic investigation cases. Kasama dito ‘yong pagkakaputok ng baril o meron nang namatay sa police operation o nasugatan,” ani Dular sa media nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025.
Maliban sa 19 na nasibak, nasa dalawang opisyal daw ang na-demote, isa ang nasuspinde at 9 ang naabswelto sa mga kaso.
“Iyan po ay batay na rin po sa direktiba ng ating chief PNP na magkaroon po tayo ng isang disiplinadong kapulisan at para po mapabilis ang resolusyon sa mga kasong administratibo laban sa mga kasama naming dito sa PNP,” ani Dulay.
Matatandaang noong Hunyo 2 nang itinalaga si Torre bilang bagong hepe ng PNP. Siya ang ika-31 PNP Chief at ikaapat naman sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, 'umusok' phone dahil sa mga natanggap na suporta bilang PNP Chief