May hiling si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara hinggil sa pagkakaroon umano ng mga evacuation center maliban sa paggamit ng mga paaralan.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, iginiit niyang umaasa raw sila nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na hindi na raw sana umabot ng 15 araw ang pananatili ng evacuees sa mga silid aralan.
“Ang hangad sana ng DepEd at ng ating mahal na Pangulo, hindi lalagpas sa 15 days yung ating mga evacuees kasi after that, mahihirapan na ang eskwelahan, mahihirapan na yung estudyante mag-recover sa ‘learning loss’ o lost days sa pag-aaral,” ani Angara.
Ginawa ring halimbawa ni Angara ang nangyari sa sitwasyon nang nag-alburoto ang bulkang Kanlaon kung saan ilang buwan umanong nanatili sa mga paaralan ang mga lumikas—bagay na lubha raw nakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante sa nasabing lugar.
“Ang realidad may mga lugar talaga tulad sa Kanlaon... Binanggit namin yun na yun ang maging priority ng [DPWH at NDRRMC]. Kailangan may priority construction areas na evacuation centers, sana ma-prioritize,” anang kalihim.
Dagdag pa niya, “Ilang buwan nang nasa paaralan ang ating mga evacuees kaya hindi nakakapag-aral nang mabuti ang ating mga estudyante.”
Ayon pa sa datos ng DepEd, tinatayang nasa 442 mga paaralan mula sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at Negros Island Region ang naging pansamantalang evacuation centers bunsod ng pananalasa ng magkakasunod na bagyo, habagat at baha sa bansa.