Mapalad sa kaniyang karanasan ang guro mula sa Roxas City na si Michelle Ong, matapos niyang personal na makilala at makausap ang psychologist na si Dr. Howard Gardner.
Makikita sa Facebook post ni “Galawang Francisco” ang pagkikita ng guro at ni Dr. Gardner, na naganap noong bumalik si Ong sa Harvard Graduate School of Education (HGSE) para sa ilang mga aktibidad at mga programa.
Si Dr. Howard Gardner ay kilalang personalidad sa larangan ng edukasyon, partikular na sa kaniyang pangunguna sa teorya ng “Multiple Intelligences.” Ito ay isang pananaw na tumatalakay sa malawak at iba’t ibang perspektibo ng katalinuhan ng tao. Ito ay sumasaklaw sa mga aspetong musical, linguistic, logical-mathematical, spatial, bodily-kinesthetic, interpersonal, intrapersonal at naturalistic.
Ayon sa post, ang pangyayaring ito ay nagbigay kay Ong ng mas malalim na kagustuhang paigtingin pa ang edukasyon sa CHILDS Academy, na layong pagandahin pa ang sistema sa mas makatao at mas makabuluhang paraan.
Dagdag pa nito, ang teorya ng “Multiple Intelligences” ay isang malaking pundasyon ng kanilang institusyon, na naglalayong bigyan ng pantay na pagturing ang bawat bata, anumang uri ng katalinuhan ang tinataglay nila.
Umani naman ng samu’t saring reaksyon ang nasabing post:
“Nagpahirap satin nong college joke heheheh totoo naman ung theory nya nararanasan natin sa classroom na may ibat ibang talent talaga bawat bata. Salute po”
“Oh my, what an honor to just face like that with him.”
“Wow, sana all! Paborito ko ang theory of education niya!”
May mga komento rin ng pagkagulat:
“Buhay pa pla to!”
“Sorry Howard Gardner, akala ko patay kana.”
Dulot ng karanasang ito, nagsisilbing inspirasyon ngayon si Ong sa nakararami, na mas patuloy pang palawigin ang malasakit sa bawat batang nangangarap.
Vincent Gutierrez/BALITA