Inilabas na ng Quezon City Regional Trial Court Branch 93 ang warrant of arrest laban kay showbiz columnist Cristy Fermin at sa dalawa pa nitong co-hosts na sina Wendell Alvarez at Rommel Villamor o mas kilala bilang si “Romel Chika.”
Ayon sa ulat nitong Miyerkules, Hulyo 30, itinakda sa halagang ₱48,000 kada tao ang piyansa kay Cristy at sa dalawa pa niyang kasama.
Matatandaang sinampahan ni Kapuso Star Bea Alonzo ng kasong cyber libel cases ang mga binanggit na personalidad noong Mayo 2024.
Bukod kina Cristy, kasama rin sa nakasuhan ang showbiz insider na si Ogie Diaz.
MAKI-BALITA: Bea Alonzo, naghain ng cyber libel cases laban kina Cristy Fermin, Ogie Diaz
Batay sa complaint affidavit ni Bea, naging biktima umano siya ng “mali, malisyoso at mga mapanirang impormasyon na mula sa nagpanggap na malapit sa kaniya at inilathala at pinag usapan sa online shows nina Fermin at Diaz nang walang basehan.”
Pero sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Cristy kaugnay sa ibinabang arrest warrant ng regional trial court.