Umamin na si AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones na siya ang nasa likod ng viral photo ng solon na nanonood ng e-sabong habang nasa loob ng Kamara noong Lunes, Hulyo 28, 2025.
Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025, nilinaw niyang may nagpadala lamang daw sa kaniya ng naturang e-sabong video.
“May nag-message sa akin sa Messenger. So, tiningnan ko lang naman. Hindi ko naman akalain na mayroon palang magkukuha nung aking mga private messages. So nagulat na lang ako dahil alam ko naman mayroon talagang hindi dapat tinitignan pero okay lang ‘yon dahil malinis ang konsensya ko,” ani Briones.
Dagdag pa niya, hindi raw siya nagsasabong at hindi rin tumataya sa e-sabong dahil hindi raw niya alam ang paggamit ng online transactions.
“Hindi naman ako nagsasabong. Ako hindi mo ko makikita sa kahit saang sabungan. At fake news! Online sabong sinasabi, ni wala akong Gcash, ni wala akong money transfer online. Hindi ako marunong dahil old school tayo. Alam ko lang text, message, at saka tumanggap, tumawag,” anang mambabatas.
Humingi rin ng paumanhin si Briones matapos umanong makaladkad ang pangalan at integridad ng Kamara sa nasabing isyu.
“Humihingi ako ng pasensya dahil ang ating institusyon ng Kongreso na alam ko namang gustong-gustong batuhin ng marami ay ako pa ang naging daan para mangyari ‘yon,” aniya.
Matatandaang gumawa ng ingay sa social media ang nasabing larawan ni Briones na agad naugnay sa espekulasyon hinggil sa kontrobersyal na kaso ng e-sabong at mga nawawalang sabungero.
KAUGNAY NA BALITA: Solon, naispatang nanonood ng online sabong sa sesyon ng HOR