Nais ng House of Representatives na isapubliko ang talakayan ng bicameral conference committee hinggil sa panukalang pambansang budget, upang malinaw sa mamamayan kung paano at saan gagamitin ang pondo ng bayan.
Sa kaniyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon ng plenaryo ng Kamara nitong Martes, Hulyo 29, iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na magiging pangunahing tagapagtaguyod ng reporma ang HOR upang masigurong may sapat na pagbabantay sa paggastos ng pondo ng gobyerno.
Batay na rin ito sa naging pahayag ng kaniyang pinsang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa nagdaang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 28.
Iginiit ni Romualdez ang "transparency" bilang sandata laban sa korapsiyon.
"We will seek to open the bicameral budget conference to civil society observers, a historic first. Because transparency is not just a value; it is a weapon against corruption," anang Romualdez.
"This reform will not only earn public trust but will also strengthen inclusive and participatory governance."
“We will allow the participation of watchdogs in all levels of budget deliberation; from committee hearings to plenary sessions. Hindi lang natin bubuksan ang Kongreso para sa mga mamamayan na magbabantay ng budget. Mapapanood din ang lahat ng diskusyon sa telebisyon at mga social media platforms," aniya pa.