Tinutulan ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. sa Republic Act 12027 o “Enhanced Basic Education Act of 2013" na nagmamandatong ihinto ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Sa isinagawang press conference ng KWF bilang hudyat sa pagsimula ng Buwan ng Wika nitong Martes, Hulyo 29, sinabi ni Mendillo na hindi umano sapat na batayan ang kakulangan sa materyales para kitilin ang mother-tongue sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Ito ay matapos siyang hingan ng reaksiyon kaugnay sa inihaing petisyon ng grupong Tanggol Unang Wika sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang RA 12027 na labag umano sa Konstitusyon.
MAKI-BALITA: Tanggol Unang Wika, nagpetisyon sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang R.A. 12027
“[A]ng gusto nilang labanan dito ay ang pagkitil ng mother-tongue sa educational system dahil sa kakulangan ng mga materyales,” saad ni Mendillo.
“Kulang ng ortograpiya, spelling system, ng panitikan, ng mga big books, ng gramatika. 'Yong 'yong mga hinahanap nila,” wika niya.
Dagdag pa niya, “Ako, sa akin, bilang isa sa mga commissioner, ako ay tutol do’n sa [RA] 12027. Gusto kong sabihin ‘yan sa personal kong kapasidad na hindi tama rin talaga na tanggalin ang mother-tongue based.”
Bukod dito, inihayag din ni Mendillo ang posisyon niya kaugnay sa inihaing revised curriculum ng Department of Education (DepEd) para sa senior high school.
Batay kasi sa naturang kurikulum, pagsasamahin na sa iisang asignatura ang Effective Communication at Mabisang Komunikasyon.
“Tinututulan ko ‘yan,” sabi ni Mendillo. “Sapagkat dapat may hiwalay na asignatura at kung hindi man, dapat mas mahabang oras sa pagtuturo sa Filipino.”
Ayon sa kaniya, tila paurong umano ang hakbang na ito ng DepEd sakaling matuloy.
“Sa ibang bansa,” pagpapatuloy niya, “pinalalakas nila ang kanilang mga wika. Tayo tinatanggal natin ang mga asignaturang pangwika natin sa Pilipinas. Dahil ba magaling na tayo sa Ingles at ‘yong Filipino ay isinasantabi natin? Mali.”
Kaya naman mainam umanong gawin na ipakilala agad sa paaralan mula Grade 1 hanggang Grade 3 ang katutubo o unang wika ng mga estudyante.
“Tapos sa sekondarya at tersyarya dapat nagdadagdag pa ng mga pampalakas na wika. Halimbawa, pagtuturo ng obra maestra,” dugtong pa ng komisyoner.
Samantala, naging maingat naman ang sagot ni KWF Chair Arthur Casanova hinggil sa bagay na ito bagama’t nilinaw niyang gusto rin umanong mapanatili ng komisyon ang pagtuturo sa wika, sining at kulturang Filipino.
Aniya, “Wala pa tayong masasabing pinal dahil iyan ay nasa pagpapaplano pa lamang. Nasa yugto ng pagpaplano. At hintayin po sana natin kung ano po ang talagang magiging pinal na desisyon ng DepEd.
Matatandaang umugong din noong Oktubre 2024 ang bulung-bulungan hinggil sa binabalak na pagbaklas sa asignaturang Filipino sa senior high school.
MAKI-BALITA: Asignaturang Filipino sa SHS binabalak alisin, bawasan?