Nanawagan si Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. sa mga magulang na turuan ang mga anak ng disente at eleganteng paggamit ng wikang Filipino.
Sa isinagawa kasing press conference ng KWF bilang hudyat sa pagsimula ng Buwan ng Wika nitong Martes, Hulyo 29, hiningan si Mendillo ng pahayag kaugnay sa kabataang gumagamit ng umano’y kakaibang lengguwahe.
Ayon sa kaniya, “Bunsod kasi ito ng dinamiko ng wika. Kung ano ang nako-contact nila [kabataan] sa media na mga salita, ‘yon ang ginagamit nila.”
“Ang panawagan ko sa mga magulang ay lagi nating gamitin ang disente at eleganteng paggamit ng wikang Filipino. Dapat hindi mawala ‘yan,” dugtong pa ng komisyoner.
Gayunman, nilinaw ni Mendillo na hindi raw maaaring pagbawalan ang kabataan sa paggamit ng lengguwahe ng kanilang panahon.
“‘Yon ang kanilang kultura ngayon,“ paliwanag niya. “‘Yon ang pop culture nila, e. Pero dapat huwag nating kakalimutang gamitin ang wikang Filipino sa pinakadisente at pinakaeleganteng paraan.”
Dagdag pa ni Mendillo, “Kapag nakita nilang ginagamit natin ito sa ating mga tahanan, lalong lalakas at mapepreserba natin ang wikang pambansa.”
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon para sa Buwan ng Wika ay "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa."