December 16, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ilang mga ‘ganap’ at ‘agaw-eksena’ sa SONA ni PBBM

Ilang mga ‘ganap’ at ‘agaw-eksena’ sa SONA ni PBBM
Photo courtesy: Mark Balmores/MB

Matagumpay na naisagawa ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong Lunes, Hulyo 28, sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Nagbigay ito ng mga panukala at bagong batas na planong ipataw sa mga nalalabing taon ng kaniyang administrasyon at update sa kasalukuyang kondisyon ng bansa.

Bukod sa kaniyang talumpati, gaya ng tradisyunal na nakagawian, ilan sa maliliit na detalye ng daloy at kabuuan ng programa ang inabangan din ng mga tao.

Isa rito ang kapansin-pansing walang nakalatag na red carpet sa bulwagan ng Batasang Pambansa, hindi kagaya sa nakasanayan sa mga nagdaang SONA, na nagiging tila “fashion show” pa ito. Pinaalis ang red carpet bilang pakikisimpatya sa mga naapektuhan ng mga nagdaang pag-ulan at pagbaha, kaya pinaalalahanan ang mga panauhin na huwag nang magpabongga at simplehan na lang ang pananamit.

Human-Interest

ALAMIN: Online at physical stores ng puto bumbong na 'magpapa-cravings satisfied' sa’yo

Sa paglalakad ni PBBM patungo sa podyum ng plenary hall ng Batasang Pambansa, tumugtog ang instrumental ng “Pilipinas Kong Mahal” ni Francisco Santiago, habang magiliw na kinakamayan ng Pangulo ang mga bisita sa kaniyang ikaapat na SONA.

Sinundan ito ng pag-awit ng “Lupang Hinirang” sa pangunguna ni Sofronio Vasquez, ang unang Pilipinong nanalo sa “The Voice USA” Season 26.

Sinundan ito ng inter-faith invocation ng ilang religious leaders, at pagpatak ng 4:06 ng hapon, sa opisyal na pagtatalumpati, kinilala ni PBBM ang presensya ni Pampanga 2nd District Representative at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Senate President Francis “Chiz” Escudero, at ang kagalang-galang na mga senador ng 20th Congress.

Kinilala niya rin ang pagdalo ng House Speaker at kaniyang pinsang si Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez, mga miyembro ng House of Representatives, Chief Justice Alexander Gesmundo at ang mga mahistrado mula sa Korte Suprema.

Hindi rin pinalampas ni Pangulong Marcos, Jr. na kilalanin ang pagdating nina Charles John Brown, mga miyembro ng diplomatic corps, Executive Secretary Lucas Bersamin, at ang mga miyembro ng kaniyang gabinete.

Matapos nito ay ang pagbanggit niya naman sa First Lady at asawang si Liza Araneta-Marcos, sa buong pamilya Marcos, at iba pang mga katangi-tanging panauhin.

Isa sa mga naging kapansin-pansin sa talumpati ng Pangulo ay ang pagkilala niya sa mga atletang Pinoy at ibinaba ang pangakong pagbuo at paglunsad ng pambansang programa para sa sports development ng bansa.

Pinuri pa nga nito si Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III na kinilalang boxing champion sa “boxing match” nito noong Linggo, Hulyo 27, laban kay Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte, kung saan, ito ay kumalap ng masigabong palakpakan sa mga opisyales at bisita sa plenary hall.

“Dahil sa mga ito, ang ating kabataan ay maagang namumulat sa isports, humuhusay, at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na athlete: tulad ni Senator Manny Pacquiao, ni Hidilyn Diaz, ni Caloy Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan,” pagkilala ng Pangulo.

“Isama na rin natin ‘yong bago nating kampeon si PNP Chief Nic Torre,” pabirong dagdag nito.

Isa pa sa umani ng palakpak at hiyawan ay ang pasaring ng Pangulo sa mga iregularidad sa flood control projects sa mga nagdaang habagat at bagyo.

“Huwag na po tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkaka-racket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” madamdaming tirada ng Pangulo.

Para maiwasan ang paglaganap ng katiwaliang ito, nagbigay ng direktiba ang Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng mga naging proyekto nito sa flood control sa nagdaang 3 taon.

“At the same time, there will be an audit and performance review regarding these projects to check and make sure, and to know how your money was spent,” babala ng Pangulo.

At bilang babala, sinabi niyang sa mga susunod na buwan, sasampahan na ng kaso ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa nasabing imbestigasyon.

Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, isa sa mga iniwang impresyon ng Pangulo sa mga Pilipino ay ang pagsasakatuparan ng mga pangako at panukala para kaulnaran ng bansa.

“Huwag nating hayaang malihis ang ating pagtuon at pagtahak sa landas ng kaunlaran dahil nasa abot-tanaw na natin ito. Ito ang ating dapat na pagtulungan. Ito ang ating dapat na pinagtutuunan. At kayang-kaya natin itong marating at maisakatuparan,” panghihikayat nito.

Iba pang impormasyon tungkol sa SONA

Ang kabuuan ng talumpati ay natapos ng 5:17 ng hapon at tumagal ng 1 oras at 11 na minuto, mas maiksi ng ilang segundo kumpara sa 1 oras at 22 minuto noong 2024, kung saan ay halos ang kabuuan ay inihayag ng Pangulo sa wikang Filipino, kumpara sa nauna niyang SONA na Ingles ang ginamit sa kabuuan ng talumpati.

Nailathala rin na umani ng 128 na palakpak at 3 standing ovation ang talumpati ng Pangulo mula sa mga opisyales at bisita nito.

Matatandaan naman noong 2010, ang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay ang unang pangulo ng bansa na nagbahagi ng kabuuan ng kaniyang talumpati sa wikang Filipino.

Vincent Gutierrez at Sean Antonio/BALITA