Kagaya ng iba pang senador na itinuturing na nasa panig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi rin nagtungo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong Lunes, Hulyo 28, si Sen. Bong Go pagkatapos ng pagbubukas ng Senado para sa 20th Congress.
Sa halip, nagtungo siya sa isang ospital upang magpa-check up.
"Matapos ang pagbubukas ng 20th Congress, dumaan si Senator Bong Go sa ospital para magpa-x-ray at physical therapy dahil sa matinding back spasm," mababasa sa Facebook post ng senador sa kaniyang verified Facebook page.
May paalala naman siya bilang pinuno ng komite sa Senado para sa usaping pangkalusugan.
"Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, paalala niya: 'Huwag matakot magpa-hospital. Alagaan ang kalusugan dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.'"
"HEALTH IS WEALTH! PANGALAGAAN ANG ATING KALUSUGAN!" pagdidiin pa niya.
Matatandaang isa rin sa mga nabanggit ni PBBM sa kaniyang SONA ay pagpapalawig ng pamahalaan sa healthcare system ng bansa.
Sinabi niyang wala na raw dapat pang bayaran ang mga Pilipino kapag nagpagamot sa mga pampublikong ospital na nasa ilalim ng Department of Health o DOH, gayundin sa iba pang benepisyong sakip ng PhilHealth.
"Ibig sabihin, ang serbisyo sa basic accommodation sa ating mga DOH na ospital wala nang babayaran ang pasyente dahil bayad na ang bill ninyo," anang pangulo.
"Uulitin ko, wala nang kailangan bayaran ang pasyente basta sa DOH hospital dahil bayad na po ang bill ninyo."
Inanunsyo rin ni PBBM na ngayon ay sakop na ng PhilHealth ang mga gastusin sa open-heart surgery, pati na rin sa pag-aayos o pagpapalit ng puso.
Para sa kidney transplant, itinaas rin ang limitasyon ng coverage mula ₱600,000 patungong ₱2.1 milyon.
Bukod dito, sakop na rin ng PhilHealth ang mga serbisyo at gamot para sa post-operative kidney transplant.
Para sa mga kaso ng dengue, itinaas ang coverage ng PhilHealth patungong ₱47,000, habang in-adjust ang limitasyon para sa operasyon sa katarata patungong ₱187,000 mula sa dating ₱16,000.
Binabayaran din ng PhilHealth ang therapy at rehabilitasyon ng mga may kapansanan (PWDs) at kanilang "assistive mobility devices," na tinutukoy bilang anumang kagamitang iniutos at inayos upang mapabuti ang ligtas at praktikal na paggalaw tungo sa pakikilahok sa lipunan.