December 13, 2025

Home BALITA National

DepEd Sec. Angara, nagbigay-reaksyon sa SONA ni PBBM kaugnay sa edukasyon

DepEd Sec. Angara, nagbigay-reaksyon sa SONA ni PBBM kaugnay sa edukasyon
photo courtesy: Sonny Angara/FB, Mark Balmores via MB

Nagbigay-reaksyon si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayon kay Angara, simpleng mensahe na inihatid ng pangulo na tutok daw sa pangangailangan ng karaniwang Pilipino.

"I didn't think the President could top last year's SONA. But somehow, he has. Simpleng lingwahe at simpleng mensahe—na tutok sa pangangailangan ng karaniwang Pilipino," ani Angara noong Lunes, Hulyo 28.

"Nakakatuwa ang pagbigay ng kakaibang atensyon sa isyung pag-edukasyon—sa kaginhawaan ng ating mga guro at estudyante," dagdag pa niya.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Matatandaang iginiit ni Marcos na ang kaguruan ang pinakamalaking bahagi sa sistema ng edukasyon.

Aniya, “Ang pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon ay ang ating mga mahal na guro. Asahan po ninyo na hindi gagawing sukatan ang galing ninyo o ng performance ninyo ang dami lang ng estudyante na inyong ipinapasa.”

MAKI-BALITA: Giit ni PBBM: Kaguruan, pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon

Bukod dito, iniulat din ng pangulo na nagdaratingan na umano ang mga laptop na laan sa mga gurong nasa public school. Tiniyak umano ng pamahalaan na walang anomalya sa likod nito.

MAKI-BALITA: Laptop para sa mga guro, nagdaratingan na —PBBM

Nangako rin ang pangulo na magkakaroon na ng internet connection ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa bago matapos ang taong ito, 2025.

"Sinisiguro ng DICT at DepEd na bago matapos ang taon na ito, magkakaroon na ng koneksyon ng internet ang lahat ng pampublikong paaralan," ani Marcos.

MAKI-BALITA:  Pangako ni PBBM: Lahat ng public schools, magkakaroon na ng internet connection

Samantala, pinuri ni Angara ang bagong scholarship program ng pangulo na aniya marami ang maiaangat nito sa kahirapan. 

Ayon kay Marcos, nakahanda na raw ang malaking pondo para sa pagtutustos sa libreng pampublikong edukasyon sa kolehiyo. 

“Kung tutungtong naman sa kolehiyo, nakahanda ang malaking pondo para sa pagtutustos sa libreng pampublikong edukasyon sa kolehiyo. Pati na rin ang mga subsidy at financial assistance para sa mas higit pang nangangailangang estudyante,” anang pangulo.

Dagdag pa niya, “Sa susunod na taon, maglalaan pa rin tayo ng halos 60 bilyong piso para sa libreng edukasyon sa pampublikong kolehiyo at sa TechVoc."