Ipinangakong ibabalik ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang popular na pampublikong bus na “Love Bus” noong dekada ‘70, sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) Lunes, Hulyo 28.
Bilang paghahanda sa muling pagbabalik operasyon nito, naglunsad ng pilot testing ang ilang opisyales ng Malacañang sa Davao at Cebu noong Marso 2025.
“Hindi lang natin ibabalik ang Love Bus, gagawin pa natin itong libre,” saad ng Pangulo sa kaniyang talumpati.
“Pilot testing pa lamang yung nasa Davao at sa Cebu, susundan pa ito ng mga ilang lugar sa Visayas at Mindanao,” kaniyang dagdag.
Ngunit para sa mga millennials at gen Z na hindi namuha noong dekada ‘70, ano ba ang Love Bus?
Baliktanaw sa Love Bus ng dekada ‘70
Ang “Love Bus” ay ang kauna-unahang air conditioned at double-decker bus sa Pilipinas.
Ito ay binuo noong Hunyo 27, 1974 sa ilalim ng Presidential Decree 492 sa pamamagitan ng Metro Manila Transit Corporation (MMTC), isang transportasyong korporasyon na pagmamay-ari ng gobyerno kung saan ang inspirasyon ng pangalan nito ay mula sa isang Hollywood film na “Love Bug.”
Ayon sa Philippine Transportation Journal Vol. 4, No. 1 ni Rene S. Santiago, ang Love Bus ay kinilala rin bilang “baby” o “brainchild” ni dating first lady at dating gobernador ng Metro Manila Commission Imelda Marcos, na ina ni PBBM.
Ang mga ruta nito ay Escolta sa Maynila, Ali Mall sa Cubao at Philcoa sa Quezon City at Rustan’s Makati.
Pagbagsak at pagkawala ng Love Bus
Sa kabila ng aktibong operasyon, apat na taon matapos ilunsad ay nagkaroon ito ng kakapusan na mahigit ₱140 milyon.
Nagkaroon daw matinding pagbawas sa bilang ng mga bus sa pampublikong kalsada noong 1983 hanggang 1987, kung kaya’t tuluyan nang huminto ang operasyon ng MMTC noong dekada ‘90.
Pagbabalik ng Love Bus sa 2025
Dagdag sa ipinangako ng Pangulong Marcos, Jr. na pagbabalik ng Love Bus, ito ay binabalak ding ilunsad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga pribadong sektor.
Ang test run ay nagsimula na sa Cebu at Davao, at isusunod ang pang-arangkada sa mga siyudad sa Metro Manila.
Sean Antonio/BALITA