December 21, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Labag ba sa batas ang pagsunog ng ‘effigy’ ng Pangulo?

ALAMIN: Labag ba sa batas ang pagsunog ng ‘effigy’ ng Pangulo?
Photo courtesy: MB, UGATLahi Artist Collective Website

Ipinagbawal ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang pagsusunog ng mga effigy sa mga kilos-protesta noong Lunes, Hulyo 21, isang linggo bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., upang maging matiwasay ito. 

Aniya, labag din ito sa batas, alinsunod sa batas pangkapaligiran.

Gayunpaman, umalma rito si Renato Reyes, presidente ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).

“Itong sinasabi ng kapulisan, tingin namin ay hindi nakakatulong. Pampagulo lang. Hindi dapat sigurong pansinin pa itong PNP sa kanilang ginagawa, walang batayan sa batas ‘yong kanilang sinasabi so tuloy lang,” saad nito sa isang panayam sa radyo

Human-Interest

ALAMIN: Gaano kadalas ba dapat magpalit ng kobrekama at punda ng unan?

Dahil sa mainit na diskusyong ito, ano ba ang “effigy” at ang papel nito sa mga protesta sa taon-taong SONA ng kasalukuyan at mga nagdaang pangulo ng bansa?

Trivia tungkol sa “effigy” at ang paggamit nito sa Pilipinas

Ang effigy o imahen ay pigura na nagrerepresenta sa isang tao o organisasyon at kadasalan itong nakikita sa mga protesta kung saan ito’y sinusunog o bayolenteng binubugbog ng mga tao bilang akto ng kanilang pagkadismaya.

Dito sa bansa, isa sa mukha ng mga malalaking protesta tulad ng State of the Nation Address (SONA) ang mga effigy na sadyang yari sa kasalukuyang presidente ng isang administrasyon.

Isa sa mga unang protesta na nakita ang paggamit ng effigy ay noong EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22, 1986.

Mula noon, naging prominente na ang presensya nito sa mga protesta, lalo na sa mga SONA ng mga naging presidente ng bansa.

Ilan sa mga kilalang effigy ay ang “Erapzilla” sa kasagsagan ng jueteng scandal ng dating pangulong Joseph Estrada noong 1999:

- Ang “Gloria Manananggal” sa kasagsagan ng human right violations noong panahon ni dating pangulo Gloria Macapagal Aroyo noong 2007.

- Ang extrajudicial effigies ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.

- Ang doble kara effigy ni Presidente Marcos, Jr. noong kaniyang ikalawang SONA noong 2023.

- At ang kamakaila’y ZOMBBM at Sara-nanggal effigy nitong ika-4 na SONA ng Pangulong Marcos.

Ilegal nga ba ang pagsunog ng mga effigy?

Sa kaugnay na ulat noong 2023, ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo ng QCPD laban sa mga nagprotesta sa kasong paglabag sa Ecological Management Act at Clean Air Act, dahil sa pagsusunog ng mga ito ng “doble kara” effigy ng Pangulong Marcos.

Ayon sa QC Prosecutor’s Office, hindi kasama sa guidelines ng dalawang panukala ang pagpapataw sa pagsusunog ng effigy dahil sa ilalim ng Ecological Management Act, isa sa pinapatawan ng paglabag dito ay ang hindi maayos na pagtatapon ng “solid waste” o basura.

At tila wala sa mga nagpasa ng reklamo ang nagbigay ng ebidensiya na ang pagsusunog ng effigy ay akto ng “improper waste disposal.”

Sa ilalim naman ng Clean Air Act kung saan pinagbabawal ang pagsusunog ng mga bagay na naglalabas ng nakalalasong usok, walang dokumento ang nagpapatunay na ang effigy ay nagsasanhi ng sakit dahil sa usok na nilabas nito dahil sa pagsusunog.

Dahil sa mga panayam at mga panukalang na nakasaad, tila makikita at masasabing walang matibay na pundasyon ang pagbabawal ng ilang awtoridad sa pagsusunog ng mga effigy, at hindi rin alinsunod sa Konstitusyon ang pagpapataw ng kaparusahan dahil dito, bilang bahagi na rin ng kalayaan sa pamamahayag o freedom of expression. 

Sean Antonio/BALITA