Isa ang edukasyon sa mga sektor na tinalakay at binigyang-pangako ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 28, 2025.
Sa loob ng 1 oras at 11 minuto, ibinahagi niya sa wikang Filipino ang iba’t ibang isyu at estado ng bansa, na iba sa tatlong nauna niyang SONA na kung saan siya ay gumamit ng wikang Ingles sa kabuuan ng kaniyang talumpati.
Ilan sa mga tinalakay ng pangulo sa kaniyang SONA ang tungkol sa isyu ng mga nawawalang sabungero, korapsyon, mga problema at pangako sa iba't ibang sektor gaya ng edukasyon, transportasyon, isports, negosyo, at pati na rin ang mga bagyong nagdaan sa bansa, kasama na rin dito ang habagat.
Ibinahagi niya rin ang pagpapalawig sa serbisyong medikal ng bansa na sumasaklaw sa libreng check-up, gamot, at iba pa.
MAKI-BALITA: PBBM, ginamit ang wikang Filipino sa halos kabuuan ng SONA
Kaugnay sa sektor ng edukasyon, narito ang ilang ipinangako ng Pangulo sa kaniyang SONA:
PAGPAPATAYO NG MGA SILID-ARALAN AT DAY CARE CENTERS
Ipinagmalaki ni Mrarcos sa kaniyang SONA na umabot sa halos 22,000 silid-aralan ang binuksan sa loob ng tatlong taon ng kaniyang administrasyon.
Kaya pangako niya ay magpapatayo pa sila ng 44,000 silid-aralan bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.
“Hindi na natin dapat nabibitin ang oras nila sa klase dahil sa kakulangan ng classroom. Katuwang ng pribadong sektor, sisikapin nating madagdagan pa ng apatnapung libong silid-aralan bago matapos itong Administrasyon," saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, "Maglalaan tayo ng sapat na pondo para rito. Alang-alang sa ating mga mag-aaral, hihilingin ko ang buong suporta ng ating Kongreso."
Naglaan din ang Pangulo ng P1 bilyon para sa pagpapatayo ng 300,000 Barangay Child Development Centers at Bulilit Centers sa buong bansa para matugunan ang matagal nang kakulangan ng day care centers.
"At ang pinaka-priority ay yung mga nangangailangan na pook na malalayo. At pauna lamang ‘yan. Unti-unti nating tutugunan ang matinding kakulangan sa daycare center na nabinbin mula pa noong 1990," saad ng Pangulo.
BAYAD SA TEACHING OVERLOAD AT OVERTIME, AT PAGBIBIGAY NG LAPTOP AT DIGITAL MATERIALS SA MGA GURO
Matatandaang sa ikatlong SONA ng Pangulo noong 2023 ay binigyang-diin niya ang pangangailangang itaguyod ang kapakanan ng mga guro upang makamit ang hinahangad na tagumpay sa edukasyon.
MAKI-BALITA: Hamon ni PBBM kay Angara: 'Tiyakin ang pagbangon, pagtaas ng kalidad ng edukasyon'
Sa ikaapat na SONA, sinabi ni Marcos na mababayaran ngayong taon ang mga guro para sa kanilang teaching overload at overtime. Aniya pa, ang kaguruan ang pinakamahalagang sistema ng edukasyon.
MAKI-BALITA: Giit ni PBBM: Kaguruan, pinakamahalaga sa sistema ng edukasyon
Tiniyak naman ng Pangulo na hindi gagawing sukatan ng galing o ng performance ang dami ng bilang ng ipinasang estudyante kundi sa pagpapahusay sa mga ito.
“Asahan po ninyo na hindi gagawing sukatan ng galing o ng performance ninyo ang dami lamang ng estudyanteng inyong pinapasa. Kundi, ang dami ng mag-aaral na inyong pinapahusay at pinapataas ang ambisyon sa buhay,” ani marcos.
“Hindi tayo tumitigil maghanap ng mga paraan upang pagaanin kahit paano ang inyong pasanin sa araw-araw," dagdag pa niya.
Kaugnay nito, mamamahagi rin ng laptop ang administrasyon ni Marcos sa mga guro habang tinitiyak nito na walang anomalya sa likod ng pagbili ng mga laptop.
“Ngayon, nagdaratingan na ang mga laptop na laan para sa mga guro sa public school. Tiniyak natin na walang anomalya sa pagbili ng mga laptop na ito,” saad ni Marcos.
Bukod sa laptop, nakahanda na rin, ayon sa Pangulo, ang mga high-tech at digital materials kagaya ng smart TV, libreng wifi, at libreng load sa Bayanihan sim card.
“Gagawin na rin nating digital ang mga natitira pang papel na kailangan ninyong asikasuhin. Para puwede na ninyo itong gawin online-diretso na mula sa inyong mga bagong laptop!” pagmamalaki pa ni Marcos.
MAS MARAMING FREE WIFI SITE AT INTERNET CONNECTION SA LAHAT NG PAMPUBLIKONG PAARALAN
Inilahad ni Marcos ang kahalagahan ng internet connection sa mga paaralan. Nauna na raw silang nagbigay ng 1 milyong sim card na may libreng data.
Ayon pa sa Pangulo, mula 4,000 free wifi sites na itinatag noong Hunyo 2022, umabot na ngayon sa 19,000 ang free wifi sites na magagamit sa pag-aaral at pagtatrabaho ng mga Pilipino.
Gayunman, hindi pa raw ito sapat. Giit ni Marcos ay nasa halos 12,000 na pampublikong paaralan pa ang wala pang internet connection.
Dahil dito, ipinangako ng Pangulo na bago matapos ang taong 2025 ay magkakaroon na ng internet connection sa lahat ng pampublikong paaralan sa pagtutulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd).
"Sinisiguro ng DICT at DepEd na bago matapos ang taon na ito, magkakaroon na ng koneksyon ng internet ang lahat ng pampublikong paaralan," ani Marcos.
MAS PINALAWAK NA LIBRENG PAG-AARAL SA KOLEHIYO AT TECHNICAL-VOCATIONAL SCHOLARSHIP
Isa rin sa ipinagmalaki ni Marcos na taon-taon ay may mahigit dalawang milyong estudyante ang nakikinabang sa libreng edukasyon sa pampublikong kolehiyo sa bansa. At mula raw umpisa ng kaniyang administrasyon ay nagdagdag pa sila ng 260,000 na estudyanteng makikinabang dito.
Pangako ng Pangulo na sa susunod na taon ay maglalaan sila ng P60 bilyon para pondohan ang libreng tuition ng milyon-milyong estudyante sa pampublikong kolehiyo at TechVoc programs.
Bukod sa libreng tuition, magbibigay rin ng subsidy at financial assistance ang gobyerno para sa mas higit pang nangangailangang estudyante.
Samantala, inilahad din ng Punong Ehekutibo na nadagdagan ang nabigyan ng scholarship ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Noong 2024, nakapagbigay ang TESDA ng mahigit 200,000 ng karagdagang scholarship.
“Kitang-kita natin ang bunga ng mga programang ito. Napakataas ngayon ng bilang ng kabataan nating pumasok sa kolehiyo o sa TESDA,” saad ni Marcos.
Bibigyang prayoridad, aniya, ang mga anak ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa libreng kolehiyo at TechVoc programs.
PINALAWIG NA ARAL PROGRAM AT EARLY CHILDHOOD CARE AND DEVELOPMENT
Ayon kay Marcos, puspusan at pinagaganda ang sistema ng edukasyon. Nabanggit niya sa kaniyang SONA na marami ang nagda-drop out at mga hindi nakapagtatapos ng junior at senior high school.
Ngayong taon, sinimulan ng administrasyon ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program at pinalakas din ang Early Childhood Care and Development (ECCD)
Layon ng ARAL Program na matulungan ang mga estudyante sa Grade 1-10 na makapagbasa at matuto ng matematika at agham sa pamamagitan ng tutoring at school-based support.
Ang ECCD naman ay programa para sa mga batang may edad 0-5 na ang nakapokus sa kalusugan, nutrisyon, at early learning.
Nakapagpatayo na rin ng 172 Child Development Centers (CDC) ang gobyerno na magsisilbing "safe spaces for play, learning, at feeding."