Kinumpirma ni Sen. Robin Padilla ang hindi raw niya pagdalo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr nitong Lunes, Hulyo 28, 2025.
Sa kaniyang pahayag nitong Lunes, iginiit ni Padilla na bagama’t suportado niya ang Pangulo sa mga isinusulong nito sa Mindanao, iginiit niyang hindi niya raw kayang dumalo sa SONA dahil sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Buo ang suporta namin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga batas na kumikilala sa kultura, tradisyon at pananampalataya ng mga Muslim na siyang tunay na daan sa pagkakapantay pantay tungo sa inaasam na kapayapaan ng taongbayan," ani Padilla.
Dagdag pa niya, “Ngunit ang pagdalo sa kaniyang SONA ay hindi ko magagawa bilang protesta habang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nasa piitan at napipintong husgahan sa isang banyagang hukuman.”
Matatandaang kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Paglilinaw pa ni Padilla, “Walang pulitika, walang personalan kundi naninindigan at nagmamahal sa Bayan.”
Samantala, tatlong senador pa na kilalang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte ang hindi rin sisipot sa SONA ni PBBM. Ayon kay Sen. Imee Marcos, kabilang siya at sina Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go sa mga hindi raw dadalo sa nasabing SONA.