Binara ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang naging panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., patungkol sa edukasyon.
Sa ikaapat na State of the National Address (SONA) ni PBBM,hinikayat niya ang mga magulang na kumbinsihin umano ang kanilang mga anak, lalo na ang kabataan na makapagtapos daw ng kolehiyo matapos niyang ibida ang mga programang inilatag na raw ng kaniyang administrasyon para sa mga mag-aaral.
"Napakataas ngayon ng bilang ng kabataan nating pumasok sa kolehiyo o sa TESDA. Pilipinas na ang pumapangalawa sa buong ASEAN sa dami ng mga kabataang pumasok sa kolehiyo at sa Tech-Voc. Mas marami na rin ang nakakapagtapos," ani PBBM.
Dagdag pa niya, "Kaya mga magulang: sulitin na ninyo ang mga pagkakataong ito. Dahil hangad natin na sa lalong madaling panahon, ang bawat isang pamilya ay may anak na nakapagtapos ng kolehiyo o sa TESDA."
Samantala, ang naturang pahayag ni PBBM, binanatan ni Roque.
Sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 28, isang tanong at tila pasaring ang iniwan ni Roque mula sa nasabing mungkahi ni PBBM.“At isang tulad mo na college dropout at walang degree pa talaga nanggaling ang panawagan?”
Matatandang isa ang educational background sa maiinit na sinisilip at ibinabato ng mga kritiko ni PBBM laban sa kaniya tungkol sa umano’y mga pekeng academic credentials daw niya bunsod ng umano’y pagiging college dropout.