Naantig ang puso ng ilang netizen sa post ng isang food delivery driver mula Antipolo sa isang Facebook group nitong Sabado, Hulyo 26, kung saan nag-aalok ito ng iba’t ibang serbisyo kapalit ng pera, dry cat food, at cat litter bilang bayad.
Sa Facebook post ni Jeremiah Mendoza, isang food delivery driver, siya ay tila sumasabak sa iba’t ibang raket para sa pagsisimula at pagbangon muli sa kaniyang buhay.
“Hi! I'm Jeremiah, naghahanap ng pagkakakitaan! I accept cash, dry cat food, and cat litter sand as payment. I recently rescued a kitten sa ilalim ng tulay sa Antipolo at siya ang nagpapasaya sa buhay ko recently. I need all the catfood and cat litter sand that I can get,” kaniyang panimula sa nasabing post.
“I am 26M. I am a former professional. I lost everything. Ngayon, isa akong Foodpanda rider. I am currently rebuilding myself and I am barely getting by,” dagdag nito.
Bukod dito, makikita rin sa ilang litrato na kaniyang ibinahagi ang nasabing pusa na ni-rescue mula sa isang tulay sa Antipolo na pinaliliguan sa batya.
Sa comment section, suporta at simpatya ang naging sentimiento ng mga netizen.
Ang ilan ay nagbigay pa ng tips kung ano ang mga dapat at hindi dapat ipakain sa alagang pusa.
“Hi nakita ko sa fb mo na nagpapakain ka ng cat mo ng century tuna, wag yan pakain mo kasi hindi yan advisable for them. Kindly check my personal message to you.”
“i agree, even mga sardinas wag na wag… basta kung table food, boiled kalabasa, patatas, sayote, malunggay, rice, chicken breast or liver kahit imix mo ng dry food kung mejo tipid mode… no seasoning and condiments madali sila tamaan ng kidney disease pag napabayaan.”
At sa pagtatapos ng kaniyang post, nag-iwan siya ng bilin na tumatanggap din siya ng iba pang serbisyo, hindi lamang sa pagdedeliver, gaya ng exterior detailing, bicycle mechanic, pabili at grocery service, pagpipinta at paglilinis ng kuwarto, condominium, apartment, o bahay.
“Companionship, pwede kitang samahan mag-grocery, sa mall, sa lakad mo, kumain, lumabas, etc. (business casual ako manamit pero I can tailor it to match your needs),” aniya pa.
“I can be your personal assistant. Pagbuhatin mo ako ng gamit mo, pahatid ka sa akin balikan, pwede kita sunduin,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA