Binengga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga umano’y nangurap sa flood control project at nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
Sa kaniyang talumpati para sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 28, 2025, iginiit ng Pangulo na nakita raw niya sa kaniyang pag-iinspeksyon ang resulta ng korap na pagpapatupad ng nasabing proyekto.
“Kamakailan lamang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng habagat, ng bagyong Crising, Dante at Emong. Kitang-kita ko ang maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho. At yung iba, guni-guni lang,” saad ng Pangulo.
Inisa-isa rin niya ang mga nangyayaring modus ng korapsyon mula sa pagpapatupad ng flood control project.
“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, 'Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ani PBBM.
Bunsod nito, tahasan niyang pinuna ang kahihiyan ng mga snagkot sa nasabing korapsyon.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.
Matatandaang isa sa mga naging pangunahing proyekto ng kaniyang administrasyon ang mga flood control project na inaasahan umanong lulutas sa malawakang pagbaha sa iba’t ibang parte ng bansa.