Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang halos kabuuan ng kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa wikang Filipino ngayong Lunes, Hulyo 28, 2025, sa Batasang Pambansa, sa Quezon City.
Sa loob ng 1 oras at 11 minuto, ibinahagi niya sa wikang Filipino ang iba’t ibang isyu at estado ng bansa, na iba sa tatlong nauna niyang SONA na kung saan siya ay gumamit ng wikang Ingles sa kabuuan ng kaniyang talumpati.
Ilan sa mga tinalakay ng pangulo sa kaniyang SONA ang tungkol sa isyu ng mga nawawalang sabungero, korapsyon, mga problema at pangako sa iba't ibang sektor gaya ng edukasyon, transportasyon, isports, negosyo, at pati na rin ang mga bagyong nagdaan sa bansa, kasama na rin dito ang habagat.
Ibinahagi niya rin ang mga tagumpay ng kaniyang administrasyon kabilang na ang pagdami ng mga unibersidad sa bansa na nakikilala sa daigdig, bilang ng mga nagsisipagtapos sa kolehiyo at technical-vocational (TechVoc), pati na rin ang pagpapalawig sa serbisyong medikal ng bansa na sumasaklaw sa libreng check-up, gamot, at iba pa.
Hindi rin kinalimutan ni Pangulong Marcos Jr. na mangakong paiigtingin pa ang seguridad sa bansa, pagpapaganda sa edukasyon sa buong kapuluan, at patuloy na mabilis na serbisyo ng pamahalaan sa mga pilipino.
Matatandaang noong 2010, ang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay ang unang pangulo ng bansa na nagbahagi ng kabuuan ng kaniyang talumpati sa wikang Filipino.
Vincent Gutierrez/BALITA