Ibinahagi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address nitong Lunes, Hulyo 28, ang kahalagahan ng internet connection sa mga paaralan.
Ayon kay Marcos, mula 4,000 free wifi sites na itinatag noong Hunyo 2022, umabot na sa 19,000 ang free wifi sites ngayong taon.
Bukod dito, namigay na rin daw ang pamahalaan ng 1 milyong sim card na may libreng data.
Gayunman, hindi pa rin daw ito sapat. Ani Marcos, nasa halos 12,000 na pampublikong paaralan pa ang walang internet connection.
Dahil dito, ipinangako ng pangulo na bago matapos ang taong 2025 ay magkakaroon na ng internet connection sa lahat ng pampublikong paaralan sa pagtutulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd).
"Sinisiguro ng DICT at DepEd na bago matapos ang taon na ito, magkakaroon na ng koneksyon ng internet ang lahat ng pampublikong paaralan," ani Marcos.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Marcos na nagdaratingan na ang mga laptop para sa mga guro.