Opisyal nang inanunsiyo ni Senador Risa Hontiveros ang pagsapi niya sa minority bloc ng Senado ngayong magbubukas na ang 20th Congress.
Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Hulyo 28, sinabi ni Hontiveros na nakatanggap umano siya ng imbitasyon mula kay Senador Ping Lacson.
“Unang nagbanggit ng imbitasyon si Senador Ping and then sinabi nito pag-imbita man o pagiging bukas nina Senador Migz [Zubiri] at Senador Tito [Sotto],” saad ni Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Nabuo po ‘yong desisyon ko sa pakikipag-usap at pakikipagpulong sa kaniya.”
Hindi itinatanggi ng senadora na may mga hindi sila pagkakapare-pareho ni Sotto, na napipisil tumayo bilang Senate minority leader.
Ngunit ayon kay Hontiveros, patuloy umano siyang magiging “independent-minded senator” at palalakasin niya pang lalo ang puwersa ng mga Pilipino sa labas ng Senado.
“So, panatag ang loob ko, mapayapa ako, na dito sa pagsapi ko sa minority [ay] magpapatuloy akong magtatrabaho at magpapatuloy akong maninindigan,” anang senadora.
Matatandaang sina Senador Kiko Pangilinan at Senador Bam Aquino ang inaasahan ng marami na makakasama ni Hontiveros sa 20th Congress matapos manalo ng dalawa sa nakalipas na 2025 midterm elections.
Ngunit sa isang radio program na “Good Times Radio” noong Hulyo 14, kinumpirma na ni Aquino ang umuugong na bulung-bulungan kaugnay sa napipintong paghanay nila ni Kiko Pangilinan sa Senate majority.
MAKI-BALITA: Kumpirmado! Aquino, Pangilinan pinaplanong sumapi sa majority bloc ng senado