Tila pinanindigan ni Sen. Imee Marcos ang kaniyang sinabi sa media na hindi siya dadalo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ngayong Lunes, Hulyo 28, 2025, na isinagawa sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Batay sa kaniyang Facebook post, nagsadya siya sa isang paaralan sa Parañaque matapos dumalo sa pagbubukas ng 20th Congress sa Senado, bago magsimula ang SONA bandang 4:00 ng hapon.
Bandang 1:59 ng hapon, ibinahagi ng senadora ang pamamahagi niya ng school supply at nutribun sa mga mag-aaral ng La Huerta Elementary School, sa nabanggit na lungsod.
"Nandito tayo ngayon sa La Huerta Elementary School, Parañaque, Hulyo 28 para mamahagi ng mga school supply at nutribun sa ating mga estudyante," aniya.
Sa isa ba pang post ay mapapanood naman ang pakikihalubilo ng senadora sa mga mag-aaral at guro.
"Matapos ang pormal na pagbubukas ng sesyon sa Senado, dumiretso tayo sa La Huerta Elementary School sa lungsod ng Parañaque ngayong Lunes, Hulyo 28," saad pa ng senadora.
"Kasama natin ang Nutri-Jeep sa pamamahagi ng mga kagamitan sa eskwelahan, Nutribuns, tubig at arrozcaldo para sa mga estudyante at guro."
Matatandaang nabanggit din ni Sen. Robin Padilla na kasama si Sen. Imee sa mga senador na hindi dadalo sa SONA ng pangulo, kasama pa ang mga tinaguriang "Duterte bloc" na sina Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa at Sen. Bong Go.
Nagsuot din ng itim na Filipiniana attire ang senadora sa pagbubukas ng Senado ngayong 20th Congress.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, nakaitim sa pagbubukas ng 20th Congress, bakit?