Muling nagbukas ang pintuan ng Senado para sa pagratsada ng panibagong Kongreso kung saan kasabay nito ang 12 mga bagong halal na senador na mga nagbabalik, magpapatuloy at magsisimula pa lamang ng kani-kanilang mga termino.
Kaya naman sa opisyal na pagsisimula ng 20th Congress nitong Lunes, Hulyo 28, 2025, narito ang ilan sa mga ikinakampeong panukala ng mga bagong senador sa ilalim ng ikaapat na termino ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Mga bagong tapak na senador para sa 20th Congress
Sen. Camille Villar
Kabilang sa mga nangunang panukala ni Sen. Camille bilang baguhan sa Senado ang pagtutok sa kalusugan katulad ng isinusulong niyang Cancer Medicine and Treatment Fund Act at Free Dialysis Treatment Act.
Sen. Erwin Tulfo
Nakaangkala naman sa direktang interes ng publiko ang ilan sa mga priority bill ng ni Sen. Erwin kabilang ang Anti-Road Rage Act, Anti-Conflict of Interest in Public Utilities Act at Review of Expanded Solo Parents Welfare Act.
Samantala, mariin ding inihayag ni Tulfo ang pagtutok daw niya upang harangin ang palpak na pakikialam umano ng mga politiko sa pagsasagawa ng flood control project sa bawat lokalidad.
Sen. Rodante Marcoleta
Mula sa Kamara, tumungtong na rin sa Senado si Sen. Rodante Marcoleta bitbit ang mga panukalang magpapababa sa ilang mga pangunahing serbisyo at bilihin sa taumbayan katulad ng Exempting Electricity Sales from VAT at Protecting consumers from price increase of liquefied petroleum gas.
Samantala, kaugnay ng pagbubukas ng 20th Congress, muling nanatili sa puwesto si Sen. Chiz Escudero bilang Senate President at Sen. Jinggoy Estrada bilang Senate Pro Tempore.