Nagpaabot ng pagbati si Vice President Sara Duterte para sa ika-111 anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo (INC) ngayong Linggo, Hulyo 27.
Sa video statement na inilabas ng bise presidente nito ring Linggo, binati at pinasalamatan niya ang kahanga-hangang pamumuno ni Eduardo V. Manalo.
“Nais kong ipaabot ang aking pagbati at pasasalamat kay Ka Eduardo V. Manalo sa kanyang kahanga-hangang pamumuno at sa kadalisayan ng kaniyang puso sa pagsusulong ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, at pananampalataya sa gitna ng iba’t ibang prinsipyo at idolohiya sa lipunan,” saad ni VP Sara.
Bukod dito, pinasalamatan din niya ang mga miyembro ng Iglesia dahil sa katatagan ng paniniwala at pagmamahal sa bansa.
Aniya, “Maraming salamat at lagi ninyong ipinagdarasal ang kaayusan, kapayapaan, at kapakanan ng Pilipinas.”
Sa huli, hiniling ni VP Sara na sana ay ipagpatuloy ng INC ang kanilang pagmamahal at kadakilaan ng Diyos upang manindigan sa katotohanan at isulong ang pamumuhay na naaayon sa Kaniyang banal na salita.
“Maligayang Anibersaryo sa inyong lahat! Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan at sa pamilyang Pilipino,” pahabol pa ng bise presidente.
Matatandaang si Felix Y. Manalo ang unang nagpalaganap ng aral ng INC at nirehistro sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914. Ang unang lokal na kongresasyon nito ay ginanap sa Punta, Sta. Ana, Maynila bago tuluyang kumalat sa buong bansa.