Mukhang hindi na raw matutuloy kung sakali ang posibleng rematch sa boxing fight sa pagitan nina Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III at Davao City Acting Mayor Baste Duterte.
Tila hindi na masasaksihan ang sagupaan ng dalawa sa boxing ring matapos sabihin ng "winner by default" na PNP chief na hindi na siya bukas sa nabanggit na posibilidad, matapos hindi sumipot ni Duterte sa kanilang nakatakdang bakbakan sana ngayong Linggo, Hulyo 27.
Sa panayam ng media kay Torre, sinabi niyang nag-exert na siya ng effort para sa nauna raw na hamon sa kaniya ni Duterte, subalit hindi naman daw nagpunta.
“I have a lot of work and this is not worth responding to,” anang Torre.
“As you can see, we exerted a lot of effort in this event. I don’t think he is worth responding to at this point. We should just let him be in his own world,” aniya pa.
Samantala, matatandaang nagbigay ng kondisyon si Duterte para kumasa sa nabanggit na paghaharap.
“Gusto mo puntahan kita, walang camera suntukan tayo walang gloves. Bakit ba kailangan mo ng ano? [gloves]. Masyado ka mang ma-showbiz,” saad ni Duterte.
Nitong Linggo, Hulyo 27 ang itinakdang araw ni Torre para sana sa kanilang tapatan, ngunit kamakailan lang nang umugong ang mga balitang nakalipad na raw si Duterte patungong Singapore.
MAKI-BALITA: Baste, ayaw ng suntukang may gloves; pina-reschedule bugbugan nila ni Torre