Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagbati niya para sa ika-111 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Linggo, Hulyo 27.
Sa pahayag na inilabas ng pangulo nito ring Linggo, hiniling niya na sana ay manatili ang INC bilang katuwang ng gobyerno sa pagpapanday ng isang matatag at maayos na lipunan.
“Ngayong ipinagdiriwang natin ang inyong Ika-111 Anibersaryo, nawa'y manatili kayong katuwang ng ating pamahalaan sa pagpapanday ng isang matatag at maayos na lipunan,” saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, “Patuloy ninyong palaganapin ang salita ng Poang Maykapal at ipadama ang kanyang pagmamahal at pagkalinga sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan.”
Ayon sa pangulo, kaisa raw ng INC ang pamahalaan sa pangarap nitong bumuo ng isang payapa at maunlad na bayan na pakikinabangan ng lahat.
“Nawa'y lahat ng ating pagsisikap ay magsilbing katuparan ng isang Bagong Pilipinas na tunay na makatao, makabarisa, at may takot sa Diyos. Mabuhay ang Iglesia ni Cristol” pahabol ni Marcos.
Matatandaang idineklara ni Marcos noong Oktubre 2024 ang Hulyo 27 bilang special non-working holida sa buong bansa sang-ayon sa inisyu niyang Proclamation No. 729.
Samantala, nagpaabot din naman ng pagbati si Vice President Sara Duterte para sa buong kapatiran ng INC.
“Nais kong ipaabot ang aking pagbati at pasasalamat kay Ka Eduardo V. Manalo sa kanyang kahanga-hangang pamumuno at sa kadalisayan ng kaniyang puso sa pagsusulong ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, at pananampalataya sa gitna ng iba’t ibang prinsipyo at idolohiya sa lipunan,” saad ni VP Sara.
MAKI-BALITA: VP Sara, nagpaabot ng pagbati sa anibersaryo ng INC
Si Felix Y. Manalo ang unang nagpalaganap ng aral ng INC at nirehistro sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914. Ang unang lokal na kongresasyon nito ay ginanap sa Punta, Sta. Ana, Maynila bago tuluyang kumalat sa buong bansa.