Pormal nang inanunsyo ng Star Magic at ABS-CBN ang kauna-unahang major solo concert ng tinaguriang "Nation's Mowm" na si Kapamilya singer at ex-Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate Klarisse De Guzman, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Magaganap ito sa Biyernes, Setyembre 26, 2025, at ang pagsisimula ng bentahan ng ticket ay sa Martes, Hulyo 29.
Masayang-masayang ibinahagi ni Klang ang milestone na ito sa kaniyang singing career.
Biro pa nga niya, "singer" na ulit siya matapos makita at magustuhan ng mga tao ang comedic side niya habang nasa loob ng Bahay ni Kuya.
"Eto na nga !!!" mababasa sa caption ng social media post ni Klarisse tungkol sa nabanggit na concert.
"Hope to see you all this September 26 at the Araneta Coliseum."
"Tickets will be available starting JULY 29."
"Singer muna po ulit tayo. Hwmwuahh!" aniya pa.
Ito ang kauna-unahang solo concert ni Klang sa isang mas malaking venue, matapos ang stint niya sa PBB.
UNANG MAJOR SOLO CONCERT, PRODUCED BY VICE GANDA
Pero ang unang major solo concert ni Klang, si Unkabogable Star Vice Ganda ang producer.
Naganap ito noong Nobyembre 18, 2022 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Hayagang sinabi ni Vice Ganda na deserve na deserve ni Klang ang spotlight, lalo't lagpas dekada na rin siya sa industriya, habang naghuhurado sa Tawag ng Tanghalan (TNT) ng It's Showtime.
Sa panayam ng ABS-CBN kay Klarisse, inamin niyang nagulat siya sa ginawa ng komedyante-TV host, at inakala pang nagbibiro lamang.
Iyon pala, totohanan na pala!
"Siyempre nagulat ako, hindi ako makapaniwala," pahayag ni Klarisse.
"Kasi una nga sa 'Showtime' akala ko as a joke lang. Hindi ko inakala na totohanin ni Meme (Vice), hindi ba? Bilang pagkatiwalaan ka ng isang Vice Ganda, sobrang nakakatuwa at nakakataba ng puso at sobrang grateful ako siyempre," aniya.
"Gusto ko magpasalamat kay Meme dahil nagtiwala siya na ipag-produce ako ng concert. Kasi hindi naman biro 'yon na pagkatiwalaan ka at the same time ay sobrang saya nakakataba ng puso. Thank you, thank you so much Meme at asahan mo hindi kita bibiguin," aniya pa.
Hindi pa sigurado kung sino-sino ang magsisilbing guests sa nabanggit na concert, subalit inaasahan na ng mga tao na bukod kay Vice Ganda, magiging guests din niya ang ex-housemates, lalo na ang Big Four, at ang mga miyembro ng "Pamilya De Guzman."
Ang Pamilya De Guzman ay kinabibilangan nina Klarisse bilang "Mowm," ang panganay na anak ay si Big Winner Mika Salamanca, ang kambal na anak ay ka-duo niyang si Shuvee Etrata at Third Big Placer Esnyr, at ang bunsong anak ay si 2nd Big Placer Will Ashley. Naisama na rin si Big Winner at ka-duo ni Mika na si Brent Manalo, bilang "manugang" daw ni Klang, dahil pinagma-match ng fans sina Brent at Mika.
Bukod sa concert, abangan din ang unang "opisyal" na pag-arte ni Klarisse sa sequel ng pelikulang "Bar Boys" kung saan gaganap daw siyang ate ng tinaguriang "Nation's Son" na si Will.