December 13, 2025

Home FEATURES Trending

‘Katangahan’ bang gamitin ang passport sa domestic flight?

‘Katangahan’ bang gamitin ang passport sa domestic flight?
Photo courtesy: Freepik/Fhukerat (FB)

Pinag-usapan sa social media kamakailan ang TikTok influencer na sa Kier Garcia o kilala bilang “Fhukerat” dahil sa paggamit ng passport sa kaniyang domestic flight papuntang Boracay, noong Huwebes, Hulyo 24.

Sa kumalat na video ni Fhukerat sa TikTok, nakitang ginamit nito ang kaniyang Philippine passport bilang proof of identification.

Ang nasabing video ay umani ng samu’t saring reaksiyon.

Marami ang sumita sa kaniya at nang-okray, at nagsabing bakit daw kailangan pang gumamit ng passport kung sa local travel lamang naman daw ang gagawin niya.

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Ang passport, ay isang mahalagang bagay na dapat bitbitin bago ang isang international flight.

Sabi nga, mawala na ang lahat huwag lang ito.

Sa kabilang banda, marami rin naman ang nagtanggol kay Fhukerat at sinabing walang masama sa ginawa niya, dahil ang passport ay isang mataas na uri ng proof of identification.

Hindi rin pinalagpas ni Fhukerat ang mga naging pasaring sa kaniya sa social media at nagbahagi ng kaniyang panig sa TikTok.

Ipinaliwanag niya na sa paglapag niya sa Boracay airport, dalawang valid ID ang kaniyang dinala, ang National ID at passport.

Dahil nasa loob ng kaniyang pitaka ang National ID, mas naging madaling ipakita ang passport.

“Wala namang mali don kasi ID naman ‘yon, ‘yon ang pag-identify ng pagkatao mo, ikaw yon,” aniya.

“Wala lang, lahat na lang talaga big deal. Di ko naman kayo sinaktan sa video na ‘yon,” kaniyang pasaring.

Dahil dito bakit kinokonsiderang valid ID ang passport?

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Philippine passport ay isang dokumentong nagbibigay pahintulot para sa malaya at ligtas na pagdaan ng isang mamamayan sa ibang gobyerno o lugar.

Ito ay isa sa mga kinokonsiderang primary ID o government-issued ID ng bansa kung saan ito ay pinakakilala at malakas na dokumento ng pagkakakilanlan.

Ilan pang kasama rito ay driver’s license, PhilSys card o National ID, SSS, PhilHealth, at GSIS ID.

Kung kaya’t ang Philippine passport ay ginagamit hindi lamang sa mga pang-international travel, kung hindi pati na rin sa pag-proseso ng mga opisyal na dokumento.

Paano magkaroon nito?

- Kumpirmadong online appointment sa website ng Office of Consular Affairs.

- Personal Appearance sa Department of Affairs (DFA)

- Kumpletong application form

- Orihinal at photocopy ng Philippine Statistics Authority (PSA)-issued Certificate of Live Birth

- Government-issued ID na may kasamang 1 photocopy

Batay sa mahigpit na requirements sa pagkuha ng passport, masasabing matibay na dahilan na ito para masabing valid ID ito.

Sa katunayan, laging kasama ang passport sa listahan ng valid government ID’s na hinihingi ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kapag may pormal na transaksyon, o kaya naman, sa iba pang gawain kagaya na lamang ng aplikasyon para sa loan, o pag-aplay ng iba pang valid ID’s.

Hindi rin naman sinasabi ng patakaran sa mga airport na bawal gamitin ang passport sa domestic flights.

Sean Antonio/BALITA