Hindi itinanggi ni Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 3rd Big Placer Esnyr Ranollo na isa raw talaga siyang social climber.
Ang social climber ay isang derogatory term na ikinakabit sa mga taong sabik na makakuha ng mas mataas na estado sa lipunan.
Sa latest episode kasi ng “Ogie Diaz Inspires” noong Sabado, Hulyo 26, ibinahagi ni Esnyr kung paano niya pinangangsiwaan noon ang sariling pera.
“Kasi dati kung ano lang ‘yong natitira sa bank account ko mina-max ko po talaga siya. At ‘yon po talaga ‘yong mali ko,” lahad ni Esnyr.
Dagdag pa niya, "[S]iguro I felt that time na, ‘I deserve it.’ Kasi sobrang hardworking ko. Parang ito lang maibibigay ko sa sarili ko. Nagbibigay din po ako sa parents ko.”
Matatandaang sa isang episode ng PBB noong Abril ay naikuwento ni Esnyr na siya ang sumasagot sa mga bilihin at iba pang bills nila sa bahay nang magsimula siyang gumawa ng content noong pandemya.
MAKI-BALITA: Esnyr, emosyunal nang sabihan ng tatay noon na 'pasarap buhay' lang sa Maynila
Kaya naman kalaunan ay naging social climber si Esynr para maibigay sa sarili ang pamumuhay na gusto niya.
Aniya, “So, feeling ko, ang maibibigay ko lang po sa sarili ko is this kind of lifestyle nga po kumbaga. Naging social climber po ako Totoo po talaga ‘yon na naging social climber ako.”
“Ikaw na coming from probinsya tapos nakapunta ka na ng Maynila, grabe na ‘yong tingin nila sa ‘yo. Akala nila sobrang yaman mo na,” dugtong pa ni Esnyr.
Nakilala si Esnyr sa social media dahil siya ang nasa likod ng mga video na nagtatampok ng mga classic na eksena mula high school. Kaya naman kombinasyon ng aliw at nostalgia ang hatid niya sa kaniyang mga tagasubaybay at manonood.