Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang mga halaga ng kanilang nalikom mula sa charity boxing match na kanilang ikinasa bagama’t hindi siya sinipot ni Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Sa ambush interview sa kaniya ng media nitong Linggo, Hulyo 27, 2025, pumalo raw ng tinatayang mahigit ₱300,000 ang ticket sale ng bakbakang Duterte-Torre.
“Itinuloy na lang natin sapagkat marami ang nagbayad. Marami ang nagbayad nakalikom tayo ng ₱350,000 around sa gates eh. We have to show up and give the people what they expect,” ani Torre.
Kaugnay naman kung sisiputin pa niya ang mga araw na binanggit ni Duterte upang matuloy nag kanilang bakbakan, saad ni Torre, “Ang mga tulong ay kailangan na nating mailabas sa ating mga kababayan. Dapat na nating mai-distribute, hindi makapaghintay ‘yan eh.”
KAUGNAY NA BALITA: Baste, ayaw ng suntukang may gloves; pina-reschedule bugbugan nila ni Torre
Samantala, binanggit na rin ng hepe ng pulisya kung saan nga ba mapupunta ang mga nalikom nilang pera at mga donasyon.
“Kanina doon sa ring may dagdag pang ₱300,000 so ₱16.3 ang cash natin. ₱16.3 million ang cash natin. Tapos mayrooon tayong bigas, delata…,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ibinigay na namin sa DSWD, sa National Red Cross at Quezon City Red Cross. Mamaya ay pupunta kami sa Baseco magdadala kami ng kaunting ayuda rin.”
Matatandaang si Torre ang itinanghal na panalo via win by default matapos ang nasabing hindi pagsipot ni Baste.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, 'di pinagpawisan kay Baste; may round 2 pa kaya?