May bagong kondisyong inilabas si Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte hinggil sa nakaamba pa rin nilang bakbakan ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III.
Sa isang Facebook video noong Sabado, Hulyo 26, 2025, pinuna ni Baste ang aniya’y pa-showbiz na galawan daw ni Torre sa paggamit pa raw niya ng boxing gloves para sa suntukan nilang dalawa.
“Gusto mo puntahan kita, walang camera suntukan tayo walang gloves. Bakit ba kailangan mo ng ano? [gloves]. Masyado ka mang ma-showbiz,” saad ni Duterte.
Nitong Linggo, Hulyo 27 ang itinakdang araw ni Torre para sana sa kanilang tapatan, ngunit kamakailan lang nang umugong ang mga balitang nakalipad na raw si Duterte patungong Singapore.
KAUGNAY NA BALITA: Baste Duterte, lumipad na patungong Singapore; tinakasan na si Torre?
Laman naman ng nasabing video na may ibang gagawin daw si alkalde sa araw ng Linggo kaya’t muli siyang naglatag ng ibang araw upang matuloy daw ang kanilang bakbakan.
“Kung gusto mo ‘yan charity na ‘yan and you’ve laid some conditions then let me laid my own conditions for the event—kung serious ka talaga ha? But I cannot be there sa Sunday, I have other things to do,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, “Pero Tuesday, available na ako. Tuesday, Wednesday, but not Sunday. Tuesday, Wednesday or any other day. I think mas okay para sa’yo kasi mas may oras ka pa para mag-ensayo.”
Ito ang ikalawang beses na humirit ng kondisyon si Baste matapos niyang ilatag ang iba pa niyang kondisyon bago raw matuloy ang suntukan nila Torre.
"Kung serious ka talaga ha, these are my conditions. Pakiusapan mo 'yang amo mo na Presidente, let it come out of his mouth that all elected officials should undergo a hair follicle drug test. Papalagan ko 'yang charity-charity mo na 'yan," anang Duterte noong Hulyo 24.
KAUGNAY NA BALITA: Baste, may kondisyon bago makipagbugbugan kay Torre
Bunsod nang magkasunod na kondisyon at pag-alis umano ng bansa ni Duterte, ilang netizens naman ang naglabas ng sentimyento bilang duwat at bakla raw ang ipinakita ng alkalde—bagay na pinalagan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.
“Maraming bakla ang matapang at may paninindigan. Hindi ganyan si Baste, hindi ganyan ang mga Duterte,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Baste, 'wag daw tawaging bakla sey ni Rep. Cendaña
Samantala, sa kanila nang hindi pagsipot ni Duterte nitong Linggo, itinuloy pa rin ng PNP ang kanilang charity boxing match sa Rizal Memorial Coliseum nitong Linggo, Hulyo 27.