Ibinahagi ng ekspertong si Dr. Lulu Marquez sa “Private Talks” ng DZMM TeleRadyo na may katumbas ang menopause na nararanasan ng mga babae sa mga lalaki.
Ang kondisyong ito ay tinatawag na “andropause.”
Ayon kay Dok Lulu, hindi raw ito gaya ng menopause na kung saan nawawala ang dugo, ito raw ay ang “gradual decline in testosterone.”
Inilahad din niyang posible itong maranasan ng kalalakihan sa edad na 30 hanggang 50 anyos, at ang madalas na tinatamaan nito ay mga lalaking may high blood sugar, mga naninigarilyo, at madalas na uminom ng alak. Posible rin daw ito sa mga lalaking obese, sa mga lalaking may medications, o kaya ang mga lalaking 'overworked.'
Isa raw sa mga pinakamadalas na sintomas nito ay pagkawala ng gana pagdating sa pakikipagsiping.
"You might start having erectile dysfunction. Lagi kang pagod, wala kang motivation, irritable, reduced confidence, mental sharpness is decreased, and memory lapses are more often," diin niya.
"Puwedeng slow 'yan, subtle, and varies greatly per individual," aniya pa.
Nilinaw din niyang hindi nawawala ang “fertility” ng kalalakihan sa andropause, bumababa lamang daw ito mula sa isang porsyento o mas mataas pa kada taon.
Dagdag ni Dr. Lulu, hindi naman daw ito sakit, daanin na lang daw ito sa pag-iiba ng lifestyle —- sa pagkakaroon ng sapat na tulog, pag-eehersisyo, pag-inom ng antioxidants, at pag-inom ng sapat na tubig.
Isinama niya na rin ang pag-iwas sa sigarilyo at alak, pero ang pag-inom, ayos lang daw basta may moderasyon.
Dagdag pa ng eksperto, hindi raw “myth” ang andropause, pero madalas na ito ay “misunderstood.” Nararapat din daw na gamitin ang “aging” bilang oras upang mabawi ang “masculinity” sa matalinong paraan.
Vincent Gutierrez/BALITA