Viral sa social media ang mga larawan at aktwal na video ng isang pitong taong gulang na babaeng sinakmal ng aso sa mukha sa Calamba, Laguna.
Ayon sa GMA Public Affairs nitong Linggo, Hulyo 27, 2025, pauwi na raw ang biktima matapos maligo sa ulan nang bigla siyang atakihin ng nasabing aso.
Mapapanood sa nagkalat na video kung paano biglang sinakmal ng aso ang biktima na agad mabilis na natumba at bahagyang na ngayngay ang kaniyang mukha at ulo. Isang kapitbahay naman ang mabilis na sumaklolo sa biktima, dahilan upang mabugaw ang aso.
Nagtamo ng mga galos sa ulo, mukha at paligid ng mata ang biktima.
Samantala, ayon pa sa nasabing ulat, ligtas na ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling kung saan napag-alamang sinagot naman ng may-ari ng aso ang gastusin at pagpapagamot sa biktima.