Viral ang Facebook post ng isang bangko matapos nilang itampok ang sumakses na istorya ng isa nilang empleyado, na dating nagtatrabaho bilang security guard, pero ngayon ay isang bank teller na nila.
Ayon sa post ng bangko, sa likod ng ngiti at dedikasyon ni Ricardo Laingo, Jr., o mas kilala raw bilang Jun, ay isang inspirasyong kuwento ng pagpupunyagi, kababaang-loob, at walang sawang pag-asa.
Siya ay 35 taong gulang, isang mapagkumbabang ama, at tubong Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte.
Batay sa salaysay niya, siya ay bunso sa limang magkakapatid. Mangingisda noon ang tatay nila, habang naglalako naman ng isda ang nanay nila.
Ngayon ay hindi na sila nagtatrabaho dahil matanda na rin sila, ani Jun habang inaalala ang simpleng pamumuhay ng kanilang pamilya.
Hindi naging madali ang kaniyang kabataan. Habang ang ibang bata ay nagpapahinga tuwing Sabado’t Linggo, si Jun ay namamalakaya upang may baon sa eskwela. Ngunit sa kabila ng hirap, hindi siya bumitaw. Sa tulong ng mga guro at sariling determinasyon, matagumpay siyang nakapagtapos ng elementarya at high school.
Taong 2010 nang magsimula si Jun bilang agency-hired security guard. Ilang beses siyang naitalaga sa iba’t ibang lugar, hanggang sa mapunta siya sa Security Bank Dipolog Branch. Walong taon siyang naging tagapagbantay ng bangko—hindi bilang empleyado, kundi bilang guwardiya na may bitbit na pangarap.
“Isa sa mga dahilan kung bakit pinili kong maging Security Guard habang ipinagpapatuloy ang pag-aaral ay dahil pangarap ko talagang maging isa sa mga empleyado ng Security Bank bilang isang teller,” ani Jun.
Noong 2018, isang magandang balita ang dumating kay Jun—natanggap siya bilang iskolar ng Security Bank Foundation sa ilalim ng programang “Regalo Mo, Kinabukasan Ko," na nakalaan para sa mga agency-hired personnel ng bangko at kanilang mga anak. Habang patuloy na nagtatrabaho bilang guwardiya, pumasok si Jun sa Dipolog City Institute of Technology upang kumuha ng kursong Bachelor of Science in Computer Science.
Hindi naging madali ang pagsabay ng trabaho, pamilya, at pag-aaral, ngunit taglay ang disiplina at suporta ng Foundation, nakapagtapos siya With Honors noong Hulyo 2, 2022, sa edad na 32.
“Napakalaki ng naitulong nito sa akin at sa aking pamilya upang ako'y makapagtapos ng kolehiyo. Malaki ang utang na loob ko sa Foundation, lalo na sa mga opisyal ng bangko na tumulong at nag-endorso sa akin bilang iskolar,” wika ni Jun.
Matapos ang maikling pagtatrabaho sa isang kilalang kompanya ng motorsiklo, dumating ang pinakahihintay na pagkakataon. Noong Marso 3, 2025, opisyal siyang natanggap bilang Teller ng Security Bank Dipolog Branch—hindi na bilang tagabantay sa labas ng pinto, kundi bilang isang propesyonal sa loob ng bangko.
“Sobrang dami ng nabago. Labing-isang taon akong security guard, at ngayon ay isa na akong teller,” ani Jun, puno ng pagmamalaki. “Kaya naman sobrang nakaka-proud, dahil sa wakas ay nakamit ko rin ang matagal ko nang pinapangarap.”
Ang tagumpay ni Jun ay hindi lamang daw kuwento ng personal na tagumpay—ito rin ay patunay kung paano kayang baguhin ng edukasyon at suporta ang takbo ng buhay.
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 52k reactions, 5.7k shares, at 1.2k comments ang nabanggit na post.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"You are really an asset of the bank. As guard, you kept the bank safe and sound by day and night, much more that you are now an employee working aligned with the bank's mission and vision. Congrats!"
"Inspiring. This is an ode to those aspirants that there is no deadline on becoming more successful in life. You achieve your dreams at your own phase, in God’s time. Good job, Sir!"
"This is so heartwarming and inspiring! Congratulations, Jun! You deserved it! Hats off, too, to SB for giving this man a chance to finish his education ( with honors!)!"
Congratulations, Jun! Isa kang tunay na inspirasyon para sa lahat!