Pumanaw na si American professional wrestler at World Wrestling Entertainment (WWE) Hall of Famer Hulk Hogan sa edad na 71 noong Huwebes, Hulyo 24.
Sa isang Facebook post ng Clearwater Police Department noon ding Huwebes, sinabi nilang rumesponde umano sila sa natanggap na medical call bandang 9:51 a.m. noong araw ding iyon sa 1000 block ng Eldorado Avenue sa Clearwater Beach.
Ayon sa Clearwater Police Department, “The nature of the call was for a cardiac arrest. A 71-year-old resident, Terry Bollea, also known as Hulk Hogan, was treated by Clearwater Fire & Rescue crews before being taken by Sunstar to Morton Plant Hospital, where he was pronounced deceased.”
Si Hogan ang isa sa pinakamalalaking pangalan sa kasaysayan ng WWE. Nakasungkit siya ng hindi bababa sa WWE championships na nagluklok sa kaniya bilang WWE Hall of Famer noong 2005.
Matatandaang siya rin ang main draw sa kauna-unahang WrestleMania noong 1985. Nakaharap niya sa laban sina Andre The Giant, Randy Savage, The Rock, at maski ang WWE co-founder na si Vince McMahon.
Pero tulad ng marami, sa kabila ng kaniyang lakas at tikas, tao rin si Hogan. Nagkakamali. Noong 2015, pinutol ng WWE ang ugnayan nila kay Hogan at inalis din siya sa listahan ng mga Hall of Famer matapos nitong gumamit ng racial slurs sa Black people.
Humingi naman ng paumanhin ang American professional wrestler para sa bagay na ito at noong 2018 ay ibinalik siya bilang isa sa mga Hall of Famer ng WWE.
Kaya naman sa pagpanaw ni Hogan, nagpaabot ng pakikiramay at pagpupugay ang WWE para sa kaniya sa pamamagitan ng social media post.
“One of pop culture’s most recognizable figures, Hogan helped WWE achieve global recognition in the 1980s,” saad ng WWE.
Dagdag pa nila, “WWE extends its condolences to Hogan’s family, friends, and fans.”