Gumuho ang isang bahay na nakatayo sa tabing dagat sa Brgy. San Jose Dalahican, Roxas, Oriental Mindoro, noong Huwebes, Hulyo 24.
Base sa video na iniupload ng nagngangalang “Master Lei,” gumuho ang isang bahay nang hampasin ito ng malakas na alon.
Ayon sa mga ulat, ilang minuto bago ang pagguho, napansin na ng ilang residente na may bitak-bitak na ang pader ng bahay dala ng malalaking hampas ng mga alon. Nang makapasok ang tubig sa loob ng bahay, tuluyan nang bumigay ang pundasyon nito.
Sa kasalukuyan, ligtas na nakalikas at pansamantalang nakikituloy sa mga kamag-anak ang mga naninirahan sa naturang bahay.
Sean Antonio/BALITA