December 13, 2025

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Mga detalye sa nakaambang bakbakang 'Duterte-Torre'

ALAMIN: Mga detalye sa nakaambang bakbakang 'Duterte-Torre'
Photo courtesy: via Nicole Marcelo/Balita

Matapos gumawa ng ingay ang muling pagbabalik ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa boxing ring noong nakaraang linggo, panibagong tapatan ang muling namumuo para sa kakaibang bakbakan—ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na magmumula sa mga boksingero.

Nito lamang mga nakaraan nang kumasa si Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III, sa hamong suntukan ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte. Isang hamong mula sa opisyal ng gobyerno na kinagat ng isa pang alagad ng batas.

KAUGNAY NA BALITA: Torre, kumasa sa hamong suntukan kay VM Baste; inaya ng 12 rounds sa Araneta!

Ang nakaambang bugbugan ng dalawang opsiyal, agad na sinubaybayan ng taumbayan.

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Tapatang Duterte-Torre at ang charity fight

Sa pagpatol ni Torre sa hamon ni Duterte, bitbit niya ang anggulong “charity fight” para umano sa mga nasalanta ng kalamidad. Para kay Torre, ang kikitain daw ng kanilang bakbakan mula sa mga sponsors ay diretso nang maibibigay sa mga apektado ng bagyo at habagat.

Ang basbas ng Palasyo, “goodluck!”

Bagama’t hindi direktang tinutulan o pinayagan, may maliit na tugon naman ang Palasyo sa nasabing nakaambang tapatan ng dalawang opisyal.

"Hindi ko alam kung matutuloy," natatawang ani Palace Press Undersecretary Claire Castro sa media.

"Kung matuloy man, eh goodluck!" aniya na lang.

KAUGNAY NA BALITA: Claire Castro sa bakbakang Torre-Baste: 'Kung matutuloy man, goodluck!'

Mula Araneta patungong Rizal Memorial Coliseum

Mismong si Torre ang nagsabing nakahanda raw siyang makipagtapat kay Duterte sa loob ng 12 rounds sa Araneta ngunit noong Huwebes, Hulyo 24 nang iginiit niyang nakahanda na raw ang boxing ring sa Rizal Memorial Coliseum at may mga sponsors na rin daw na nakahandang sumuporta.

KAUGNAY NA BALITA: Suntukang Torre-Baste, gaganapin sa Rizal Memorial Coliseum; boxing ring, inihahanda na?

Si Gadon bilang referere

Kaugnay ng inaasahang bakbakan, nagpahayag naman ng interes si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na maging tagapagamagitan o referee kina Duterte at Torre.

Ang inilatag ni kondisyon ni Baste

Matapos magdire-diretso ang hamon na kaniyang sinimulan, bagama’t hindi nagpahayag ng pag-atras naglatag naman ng kondisyon si Duterte laban kay Torre at iginiit na marapat lamang daw munang magkaroon ng hair follicle test ang lahat ng mga lider sa bansa.

"Kung serious ka talaga ha, these are my conditions. Pakiusapan mo 'yang amo mo na Presidente, let it come out of his mouth that all elected officials should undergo a hair follicle drug test. Papalagan ko 'yang charity-charity mo na 'yan," anang Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: Baste, may kondisyon bago makipagbugbugan kay Torre

Waiver muna bago bugbugan

Nitong Biyernes, Hulyo 25 nang igiit Davao City 1st district Representative Paolo Duterte na dapat muna raw magkaroon ng waiver ang dalawang panig kung sakaling maging seryosong maituloy daw ang bakbakan ng kaniyang nakababatang kapatid laban kay Torre.

“Mag-sign muna ng waiver. Magpa-drug test na rin. Kung talagang malinis, eh ‘di go,” saad ng kongresista.

Bagama’t wala pa ring malinaw na kumpirmasyon kung matutuloy ang DUTERTE-TORRE fight, patuloy ang pagsasapubliko ng mga paghahandang ginagawa ni Torre laban kay Duterte.