Nanawagan sa mga kaanak ang 86-taong gulang na Lola mula sa Parañaque City.
Sa ulat ng ABS-CBN News noong Miyerkules, Hulyo 23, nailikas si Marieta De Asis Tiria kasama ang kapitbahay nitong si Donna Fausto sa Sitio San Antonio Olivarez Compound, Greenhills, Barangay San Dionisio.
Ayon sa nagmagandang-loob na kapitbahay na si Fausto, si Lola Marieta ay bedridden at may iniindang sakit sa paa dala ng diabetes, at sugat sa dibdib. Aniya, para raw makahingi ng tulong, gumapang daw ang matanda papunta sa kaniyang bahay.
"Naiyak ako sa itsura ni nanay. Kasi masakit sa loob ko na makita 'yung tao na gumagapang, kulang sa pagkain. Wala siyang suporta. 'Pag naubos na si pera galing sa social pension, utang dito, utang do'n. Napapabayaan siya,” malungkot na saad ni Fausto, sa panayam ng ABS-CBN news.
Ayon pa kay Fausto, may anak si Lola Marieta na isang babae at isang pamangkin sa Cavite, at nagpaabot ito ng mensahe na dumalaw sa Parañaque bilang huling kahilingan umano ng matanda.
Saad naman ni Chris Bulagao ng San Dionisio Fire and Rescue Department, hindi na nakapagsasalita si Lola Marieta, sumasagot na lamang ito sa pamamagitan ng "gestures" kung may masakit na nararamdaman o pangangailangan sa katawan.
Samantala, maaari lamang magtungo sa San Dionisio Sports Complex o Barangay Hall ng San Dionisio ang mga kaanak ni Lola Marieta.
Sean Antonio/BALITA