December 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

‘Basic lang!’ Kalyeng may abot-binting baha, ginawang ‘dance floor’

‘Basic lang!’ Kalyeng may abot-binting baha, ginawang ‘dance floor’
Photo courtesy: Screengrab from Paulo Mer/FB

Ano man ang panahon, kilala sa pagiging masiyahin at palasayaw ang mga Pinoy. Sa mga pista, selebrasyon ng kaarawan, Pasko o bagong taon, kahit na tirik pa nga ang araw.

Pero dahil Pinoy tayo, hindi tayo magpapatalo, kahit masama ang panahon, talent portion tayo! Sabi nga ng ibang lahi, kakaiba ang "Filipino resiliency" dahil nagagawa pang pagtawanan ang mga bagay na seryoso at kinahaharap na problema.

Makikita sa Facebook post ni Paulo Mer na bigay-todong pagsayaw ang hatid ng mga taga-Barangay Catmon, Malabon City, kahit pa malakas ang buhos ng ulan at halos binti na nila ang taas ng baha.

Mababasa sa caption ng kaniyang Facebook post: "Yung [i]ba, [m]alungkot [p]ag [b]aha, [d]ito [s]a ‘min [b]asic [n]a lang. PARTY PA!"

Human-Interest

Misis sinimot 13th month pay ni Mister nang walang paalam: ‘May karapatan ako sa pera mo!'

Humakot ng samu’t saring reaksyon at komento ang nasabing post.

Komento ng mga netizen:

“Iba talaga batang catmon pre. Kahit bagyo. Masaya pa rin.”

“Wow gustooo ko nga mag zumba”

“Gusto ko ng ganyan masaya kahit bumabagyo na”

May ilan namang netizens ang nabahala sa panganib na dala ng baha, lalo na kung may sugat ang mga taong nakalusong dito.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Paulo Mer, naganap daw ang sayawang ito kasama ang kaniyang mga kabarangay noong Hulyo 22, bandang 5:30 ng hapon.

Ayon sa uploader, halos sampung matatanda at sampung bata ang nakilahok sa sayawang ito, at umindak sila sa saliw ng awiting ‘Six Two Eight (628)’ ng bandang ‘Europe.’

Humataw daw ang kaniyang mga kapitbahay sapagkat nais nilang ma-good vibes at daanin na lang daw sa ganitong paraan ang nakasanayang baha tuwing malakas ang ulan.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa humigit-kumulang 305,000 views ang nakaaaliw na Facebook post ni Paulo Mer.

Hindi talaga matatawaran ang mga Pinoy, gagawa at gagawa ‘yan ng paraan para maging masaya, ano man ang pagsubok na kinahaharap at kahaharapin pa.

Vincent Gutierrez/BALITA