Tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang hamon umanong suntukan ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Sa panayam ng media kay Torre nitong Miyerkules, Hulyo 23, 2025, iginiit niyang nakahanda raw siyang gawing charity event ang magiging boxing match nila ni Baste upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.
“Tamang-tama dahil marami ang nasalanta ngayon ng bagyo at baha. Maybe we can use this moment, or use this opportunity to raise funds. Charity boxing match! Para mabilis, this coming Sunday? [Hulyo 27], sa Araneta. 12 rounds, puwede. 12 rounds ng suntukan para maganda at marami-rami ang ma-raise natin,” saad ni Torre.
Dagdag pa niya, “Let’s just put this to a better use. Kung ‘yan ang gusto n’ya, edi pagbibigyan ‘yan.”
Matatandaang kamakailan lang nang iginiit ni Vice Mayor Baste na matapang lang daw si Torre dahil sa kaniyang posisyon.
“Kasi matapang ka lang naman kasi you have the position. Pero kung suntukan tayo, kaya kita,” ani Baste.
Kaugnay nito, may nilinaw naman si Torre kaugnay ng pagkasa niya sa nasabing hapon ni Baste.
“Hindi ko naman siya pinapatulan. I just see this opportunity para makatulong sa ating kababayan. Sigurado maraming mag-sponsor nito,” saad niya.
Samantala, wala pang inilalabas na tugon si Baste kaugnay nang nasabing pagpayag ni Torre sa charity boxing match daw nila.