Naglabas ng pahayag si Senador Imee Marcos kaugnay sa pakikipagsundo ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay U.S. President Donald Trump pagdating sa usapin ng taripa.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Miyerkules, Hulyo 23, sinabi niyang kailangan muna niyang mapasadahan ng basa ang buong kasunduan ng kapatid niya at ni Trump.
"[P]ero kahit sinong eksperto o karaniwang tao, 19% na taripa tapos 0% na taripa para sa Amerika—paano tayo nanalo diyan?” saad ni Sen. Imee.
Matatandaang nagtungo noong Linggo, Hulyo 20, si Pangulong Marcos sa Amerika para makipagpulong sa presidente ng naturang bansa na si Donald Trump.
Binigyang-balangkas ng Malacañang ang pagbisita ng pangulo bilang isang pagkakataon upang muling pagtibayin ang matagal nang alyansa ng kasunduan ng Pilipinas-US.
Isa sa mga tinalakay sa pulong ay ang negosasyon hinggil sa 20% na taripang ipapataw ng Amerika sa Pilipinas. Nagkasundo ang dalawa na ibaba ng 1% ang itinakdang bayarin.
At bilang kapalit, aalisan ng Pilipinas ng taripa ang ilang produkto ng Amerika tulad ng automobile.
Samantala, madadagdagan naman ang import ng Pilipinas sa mga produktong tulad ng soy, wheat, at gamot.
MAKI-BALITA: PBBM, nasa Washington, D.C na!