December 14, 2025

Home BALITA Probinsya

Pakulong E-ayuda ng Calumpit mayor sa mga may binahang bahay, usap-usapan

Pakulong E-ayuda ng Calumpit mayor sa mga may binahang bahay, usap-usapan
Photo courtesy: Lem Faustino/FB

Umani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang naging paandar ni Calumpit, Bulacan Mayor Lem Faustino sa mga nasasakupang binaha ang bahay, dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulang dulot ng hanging habagat, na nagresulta naman sa matinding pagbaha sa ilang mga lugar at barangay.

Tinawag ni Mayor Fautisno na "E-Ayuda" ni Mayor Lem, na isang paraan aniya upang mabigyan ng ayuda ang mga pamilyang nasalanta ng pagbaha.

Sa caption ng post, ipinaliwanag ng mayor ang mekaniks kung paano magkakaroon ng ayuda ang makikilahok sa pakulo.

"Sa diwang ito, nais nating ipakitang mga Calumpiteño na sa pagsasama-sama ng pamilya, babangon tayo nang sama-sama sa kalamidad na kinakaharap ng bayan sa kasalukuyan," mababasa sa post.

Probinsya

Unang fully air-conditioned public school, bukas na sa San Pedro, Laguna

"Kung kaya't ngayong araw, makibahagi sa E-Ayuda ni Mayor Lem at magkaroon ng pagkakataon na mabigyan ng agarang ayuda sa GCash sa ating LIVE mamaya."

Ipinaliwanag naman sa post ang mekaniks. Una, kailangan lamang kumuha ng selfie kasama ang pamilya habang nasa loob ng bahay na binaha. Ito ang magiging pangunahing requirement para makasali. Matapos makunan ng litrato o video, ikokomento ito sa mismong post ng patimpalak, kasama ang buong pangalan, barangay, at e-wallet number para makilala at kung sakaling manalo, doon maipapadala ang premyo.

Panghuli, kailangan daw i-share ang post sa sariling Facebook timeline at i-tag ang ilan sa mga kaibigan upang mas marami pa ang makaalam at makasali. Nagbigay lamang ng deadline hanggang 5:00 ng hapon ngayong araw ng Miyerkules para sa mga makikilahok.

Habang marami ang nakisali sa paandar, umani at humamig din ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Ginawa nyo pang pa raffle yung pag tulung nyo, Tulungan nyo nalng yung nanangangailngan!"

"Nice idea hehe, wala akong nakikitang masama rito..."

"Ate Mayor, Alam naman po ng mga opisyal ng barangay ang mga binahang lugar, mahirap po ang ganyan. Lalo di naman lahat nakakapag online. Kung nais po tumulong. Personal nio po puntahan ang bawat lugar Mas kailangan po ang presensya nio ng sambayanang calumpitenio. Mas higit pa noong kayo ay NASA Panahon ng pangangampanya na halos lahat ng sulok ay kailangan puntahan makakuha lamang ng boto.ngaun nio po sana iparamdam sa lahat na tunay po ang pag ma malasakit,pagtulong at walang Halong pulitika.salamat po."

"Ang daming KJ sa comment section, bakit kayo ganiyan? Wala akong nakikitang masama."

"While the intention is good, how can you determine that your so called 'ayuda' will reach affected famillies. Hindi po lahat may load, signal, hindi lahat may gadget na magagamit. Why not use traditional method na kayo po mismo maghandog ng ayuda sa mga sa mga taong nakikita n'yong nahihirapan. Walang contest, walang dapat pinipili. Lahat matutulungan, lahat mapapakinggan."

"Question, what is the Sangguniang Panlungsod doing? Is this how a mayor should act? Pick one winner rather than helping all of them? Give the mayoral duties to the Vice Mayor. Hindi palaro ang sitwasyon ng mga tao ngayon. Calamity is not fun to join or experience and so does your contest."

"Kakaiba. Creative pero wala sa ayos."

"kakaloka naman siz."

"Mayora İsa po ako na inyong taga-hanga. At madalas ko po na makita video ninyo. Tubong San Jose po ako at kasalukuyan nakatira na sa Canada. Gusto ko lamang po mag komento dito sa ginagawa ninyong pa E-Ayuda, Hindi po ba napaka selective mg idea na ito? At Hindi ba dapat bigyan ang karamihan at Hindi na daanin pa sa kung anung propaganda na gaya nito! Paano ang mga walang kakayanan at Wala din naman cephone para makasali. Wag na po natin gamitin ang SocMed sa mga ganitong pagkakataon at tumulong na lang Tayo mg Taos sa puso. Kawawa ang mga Tao ng Kalumpit kung ganito pa ang magiging sistema. Ang nangyayari po parang pinag-kakaperahan pa natin sila sa views na makukuha sa FB, wag naman sana ganito. Salamat po."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng alkalde tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.