December 22, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

News reporter, umalma matapos okrayin sa paglusong sa baha

News reporter, umalma matapos okrayin sa paglusong sa baha
Photo courtesy: Bernadette Reyes (FB)

Sa kabila ng makabagbag-damdaming mensahe tungkol sa pamamahayag sa gitna ng kalamidad, inulan ng pangungutya at katatawanan ang GMA news reporter na si Bernadette Reyes sa social media dahil maraming netizen ang nagsabi na kesyo “pabida” raw siya.

Nag-ugat ito sa pag-flex niya sa mga larawan habang nakalusong sa baha at naghahatid ng balita.

“Nakakalungkot na marami ang kumopya ng post ko at sa halip na makita ang sakripisyo namin, ginawa pang katatawanan, pinalitan ang mensahe para pagkakitaan. Sa mga susubok gumawa nito, I'll take action para mabura ang account/page and will take legal action as well,” aniya sa kaniyang Facebook post ngayong Hulyo 22.

Ang nasabing post ay tumutukoy sa mga nakaraang mensaheng isinulat niya noong Hulyo 20 at 21 tungkol sa mga sakripisyong kaniyang kinaharap sa likod ng pagtatrabaho bilang mamamahayag sa loob ng 20 taon.

Tsika at Intriga

Kinarma kaya nagkasakit? Pambansang Kolokoy, umalma sa nagsabing dapat humingi siya ng tawad sa 'real family'

“Tuwing may bagyo, habang marami ang nasa loob ng bahay, nanonood ng tv, kumakain o nagtutulog, kami heto lubog sa baha. Tulog pa ang anak ko ng umalis ako sa bahay ala sais ng umaga. Gusto ko sanang yakapin pero hindi na muna, baka magising. May halong lungkot nang sinara ang pinto kasi hindi ko na naman alam kung anong oras ako uuwi. Pag labas pa lang ng bahay, bumuhos na agad ang napakalakas ulan. sabi ko pa naman, Hindi ako papaulan kasi kagagaling ko lang sa sakit. Pero sabi nga ng boss ko, itong trabaho namin, calling ang tawag dito. yun bang kahit minsan dinadapuan ka ng lungkot, nahihirapan ka na, pero hindi mo magawang iwan,” aniya.

Sa kaniyang sumunod na post, makikitang may mga mura at patutsada ng ilang netizen ang tumambad sa comment section.

“P*t*ng i*a, dami mong arte buti ka nga may trabaho kami kaya nandito sa loob ng bahay walang trabaho.”

“Yan pinili mo trabaho palit tayo kami jan sa labas ikaw sa bahay. Wala naman sahod pa relax relax kami walang income ikaw nasa baha laki ng sahod b*b* ka.”

“Dami mong satsat eh di mag-resign ka hanap ka ibang trabaho drama mo.”

Sa kabilang banda, hindi naman pinatulan ni Reyes ang masasakit na salita laban sa kaniya. Aniya, hangad niya pa rin ang kaligtasan ng lahat laban sa pagsubok ng kalikasan.

“Sa kabila nito, hangad ko pa rin po na nasa ligtas kayong kalagayan lalo na ngayong sinusubok na naman tayo ng kalikasan. Ilang beses nyo man akong murahin o kutyain, patuloy akong mag sisilibi sa bayan, ulit-ulitin para sa bayan,” saad niya.

Sean Antonio