‘Ika nga nila, walang pinipiling sitwasyon ang mga mamamahayag na gustong makapaghatid ng istorya—umaga man o gabi, maaraw man o maulan, sa katahimikan man o kaguluhan.
Nitong mga nakaraang araw, muling nasaksihan, nabasa, napanood at napakinggan ang sitwasyon ng libo-libong pamilyang muling sinalanta ng bagyo at baha. Hatid ng mga mamamahayag na muling sumuong sa baha at lakas ng ulan.
Ngunit ang karaniwang mga pagbabalita lamang sa ganitong panahon, ay gumawa ng ingay sa social media mula sa mga tagapagbalita.
Izee Lee at ang kaniyang “hanggang binti ang tuhod”
Tunay ngang walang maitatago mula sa isang live report, lalo na kung mismong ang linya ng reporter ang sumabit.
Noong Hulyo 21, 2025 sa TV Patrol Express ng ABS-CBN News, habang nasa live report kasabay ang buhos ng ulan sa gilid ng baha, ibinalita ni Izee ang sitwasyon noon sa Taft Avenue sa Maynila.
“Nitong umaga, pagbugso-bugso yung ulan dito sa Maynila, kaya nakikita mo naman, ay medyo hanggang binti na yung tuhod dito sa may kahabaan ng Taft Avenue maging sa mga pangunahing kalsada dito sa lungsod,” aniya.
Sa hiwalay na pahayag naman, iginit ni Izee na wala pa raw siyang kain at tulog nang sumalang siya sa nasabing live report—bagay na mas hinangaan ng netizens mataps mag-viral ang kaniyang pagkakamali.
KAUGNAY NA BALITA: News reporter, nagsalita sa pinagkatuwaang 'hanggang binti ang tuhod'
Bernadette Reyes at ang “pagiging pabida raw niya”
Sa kabila ng kaniyang intensyon na na makapagbigay ng magandang mensahe sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post, ilang netizens ang kumopya raw sa kaniyang mga larawan at post at ginawang katatawanan at saka ginawang viral upang mapagkakitaan.
Laman ng nasabing post ng GMA Reporter na si Bernadette Reyes ang kuwento at sakripisyo ng mga mamamahayag lalo sa oras ng kalamidad, at kung paano raw nila ito pinipili dahil sa pagmamahal at tawag sa kanila ng nasabing propesyon.
“Tuwing may bagyo, habang marami ang nasa loob ng bahay, nanonood ng tv, kumakain o nagtutulog, kami heto lubog sa baha. Tulog pa ang anak ko ng umalis ako sa bahay ala sais ng umaga. Gusto ko sanang yakapin pero hindi na muna, baka magising. May halong lungkot nang sinara ang pinto kasi hindi ko na naman alam kung anong oras ako uuwi. Pag labas pa lang ng bahay, bumuhos na agad ang napakalakas ulan. sabi ko pa naman, Hindi ako papaulan kasi kagagaling ko lang sa sakit. Pero sabi nga ng boss ko, itong trabaho namin, calling ang tawag dito. yun bang kahit minsan dinadapuan ka ng lungkot, nahihirapan ka na, pero hindi mo magawang iwan,” aniya.
Bunsod nito, marami pa rin ang kumutya, minura pa siya sa comment section at ipinakalat sa ilang social media page at account. Bagay na inalmahan ng nasabing mamamahayag na nakahanda raw gumawa ng mga legal na aksiyon.
KAUGNAY NA BALITA: News reporter, umalma matapos okrayin sa paglusong sa baha
Saleema Refran at ang kaniyang “drive thru interview”
Usap-usapan naman sa social media platform na Thread ang GMA rpeorter na si Saleema Refran matapos siyang makuhanan ng isang netizen ng video na nag-iinterview sa gitna ng daan habang nakasakay sa isang sasakyan.
Laman ng nasabing video kung paano raw bumalandra ang GMA vehicle na sinasakyan ni Saleema habang iniinterview niya ang isang babaeng nakalusyong sa baha. Puna ng netizens, tila “unprofessional” daw kasi ang dating ng nasabing pamamaraan ni Saleema.
Nico Waje at ang “pagpapakilig niya sa netizens”
Hindi ito ang unang beses na kinilig ang netizens kay GMA reporter Nico Waje habang nagbabalita sa kasagsagan ng ulan. Sey kasi ng netizens, iba raw ang dating ng wet looks ni Nico habang basa sa ulan at ang charming nagbabalita niya.
Habang noong nakaraan lang nang maging-usap-usapan naman sa social media na tila puwede raw ipasok na housemate sa reality show na Pinoy Big Brother ang nasabing reporter—bagay na pinasalamatan naman mismo ni Nico sa kaniyang Facebook account.
KAUGNAY NA BALITA: Papasok sa PBB? Nico Waje, bet gawing bebe
Sa kabila ng mga hindi mauunahang balitang bitbit ng mga mamahayag sa higit lalo na sa harapan ng telebisyon, mas marami pa rin silang mga kuwentong dala-dala na hindi nakikita sa likod ng camera.