December 13, 2025

Home BALITA Politics

Kabataan, kinondena pakikipagkasundo ni PBBM sa US: ‘Huwag tayo magpaloko!’

Kabataan, kinondena pakikipagkasundo ni PBBM sa US: ‘Huwag tayo magpaloko!’
Photo Courtesy: Renee Co (FB)

Inalmahan ng Kabataan party-list ang ginawang pakikipagkasundo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay US President Donald Trump pagdating sa usapin ng taripa.

Sa pahayag na inilabas ni Kabataan party-list Rep. Atty. Renee Co nitong Miyerkules, Hulyo 23, sinabi niyang babahain pang lalo ang Pilipinas ng mga kalakal galing Amerika dahil sa pagpayag ni Marcos sa nasabing kasunduan.

“Lubog na nga sa dayuhang utang ang Pilipinas, babahain pa tayo ng mga kalakal ng Estados Unidos dahil pumayag si Marcos Jr. Lalong walang pag-asa na maisulong natin ang pambansang industriyalisasyon kung malalambat ng U.S. companies ang merkado natin dahil sa zero tariff deal na ito,” saad ni Co.

Bukod dito, iginiit din niyang hindi umano maituturing na kawanggawa ang pagtulong ng Amerika sa sandatahang lakas ng Pilipinas na tumindig laban sa China.

Politics

'Ninakaw nila ang Pasko!' Sen. Imee, ibinalandra pulang bag na buwaya

“Hindi ito kawang-gawa. Huwag tayo magpapaloko. Hindi self-reliant defense program ang pagbebenta ni Marcos sa ekonomiya ng bansa para sa dagdag-panghihimasok ng U.S. military na sa dulo ay magsisilbi lang sa interes nila na kontrolin ang Asya-Pasipiko at magkakaladkad satin sa World War III nang hindi natin namamalayan,” anang kongresista.

Ayon kay Co, hindi raw namatay ang bayaning si Jose Rizal para lang masangkot sa American war ang kabataang Pilipino.

Matatandaang nagtungo noong Linggo, Hulyo 20, si Pangulong Marcos sa Amerika para makipagpulong sa presidente ng naturang bansa na si Donald Trump.

Binigyang-balangkas ng Malacañang ang pagbisita ng pangulo bilang isang pagkakataon upang muling pagtibayin ang matagal nang alyansa ng kasunduan ng Pilipinas-US.

MAKI-BALITA: PBBM, nasa Washington, D.C na!