Nagsagawa ng kilos-protesta ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa kabila ng pagbaha sa harapan ng Navotas City Hall nitong Miyerkules, Hulyo 23, 2025.
Bitbit ng naturang grupo ang panawagan para sa agarang pagpapatigil ng reklamasyon sa baybayin ng Navotas.
“Ramdam na ramdam ng mga mangingisda at mamamayan ng Navotas ang epekto ng pagtatambak sa dagat,” anang grupo.
Dagdag pa nila, “Bukod sa pagtanggal sa kabuhayan ng libu-libong mangingisda, ang reklamasyon ang isa sa mga nakikita naming dahilan kung bakit mabilis at matagal ang pagbaha sa lungsod at sa ibang bahagi ng Metro Manila, gaya ng una nang napatunayan sa cumulative impact assessment ng DENR. Wala nang dahilan para ipagpatuloy pa ang mga proyektong ito.”
Ayon pa sa PAMALAKAYA, mismong ang 650-ektaryang proyekto raw ng kanilang pamahalaan at San Miguel Corporation ang mismong nagpapalala ng baha sa kanilang lugar.
Ayon sa kanila, tinatayang nasa 7,000 mangingisda ang direktang naapektuhan ng nagdaang Severe Tropical Storm na Crising.