January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Christian church sa Bulacan, kumupkop ng evacuees na apektado ng lagpas-beywang na baha

Christian church sa Bulacan, kumupkop ng evacuees na apektado ng lagpas-beywang na baha
Photo courtesy: Maria Roanna Vidalion/FB

Nagbukas ng pinto ang Christian Solidarity Fellowship (CSF) sa Malolos, Bulacan para sa mga pamilyang apektado ng lagpas-beywang na baha dala ng mga nakaraang sunod-sunod na malalakas na pag-ulang dulot ng habagat.

Ang pagkakawanggawang ito ay naitampok sa isang panayam sa radyo ngayong umaga ng Miyerkules, Hulyo 23 sa 702 DZAS, “Unang Tugon” segment, na pinangungunahan nina Haydee Bernardo-Sampang at Eyriche Cortez.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Roan Vidalion, isa sa evacuees at miyembro ng CSF, siya at ang kaniyang pamilya ay lumikas mula sa kanilang lugar sa McArthur Village kahapon ng Martes, Hulyo 22.

“Bale pina-rescue po kami tapos may mga pumunta pong rescuers may dala silang bangka. Kung sa bata po kasi, lagpas-ulo na ‘yong [baha],” paglalahad ni Rona sa proseso ng kanilang paglikas.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Nang tanungin ang kanilang estado sa ngayon, 4 na pamilya o 22 katao na ang na-rescue at kasalukuyang naka-evacuate sa CSF kung saan sila ay nabigyan ng tuyong silungan at basic needs tulad ng kumot, unan, at mga biskwit.

Ngunit sa gitna ng patuloy na pag-ulan dala ng mga bagyo, inaasahan na may mga paparating pang evacuees kabilang ang mga magulang ni Rona na senior citizens na ipapasuyo sa kanilang bishop na si Bishop Joey Umali.

Sa taon-taon na pag-ulan, taon-taon din silang nag-eevacuate dahil sa baha.

“Bagong tayo lang din po kasi itong church namin. Nung mga nakaraang taon, bale kaniya-kaniya kami. Yung iba po uupa muna sa mga boarding house, yung iba po sa mga barangay, yung iba po sa school,” kaniyang saad nang tanungin kung saan sila lumilikas sa mga nagdaang taon.

“Yung kalsada po ang mababa, naging catch basin ng tubig,” pagtukoy niya sa dahilan ng patuloy na pagbabaha.

Bago matapos ang panayam, nagbigay panawagan si Rona sa mga kinauukulan sa pag-asang mabigyang-pansin ang kanilang kalagayan sa Bulacan.

“Sa mga nanunungkulan po, sana bigyan nila ng pangmatagalang solusyon ang pagbaha po, actually hindi nga lang Malolos, buong Bulacan na nga po halos binabaha. Every year na lang po, ganito ang nararanasan namin. Kaya sana po, mapagtuunan ng pansin ng gobyerno ang problema natin sa pagbaha. Wag lang pong puro ayuda. Bagama’t nakakatulong nga po ito sa atin. Pero sana po, yung pangmatagalang solusyon ang kanilang maisip,” aniya pa.

Sean Antonio