Nakuryente ang 20-anyos na lalaki matapos lusungin ang tubig-baha sa kaniyang tahanan sa San Mateo, Rizal nitong Martes, Hulyo 22.
Naisugod pa sa San Matero Doctors Hospital ang biktimang si alyas ‘Jed,’ 20, ng Brgy. Sta. Ana, sa San Mateo, ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa tahanan ng biktima.
Abala ang biktima sa pagtatanggal ng yero, na tinangay ng malakas na hangin mula sa kaniyang bahay nang aksidente itong madikit sa isang live wire, na konektado sa isang poste ng kuryente sa lugar.
Hindi umano nakita ng biktima ang live wire dahil nakalubog ito sa baha.
Kaagad na nangisay ang biktima hanggang sa tuluyang nawalan ng malay.
Mabilis naman siyang naisugod sa pagamutan ng mga kaanak ngunit hindi na umabot pa ng buhay.