Naglabas ng pahayag ang opisina ng executive secretary kaugnay sa mga ipinapaskil na mga materyales na may kinalaman sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Martes, Hulyo 22, sinabi umano ng pangulo na dismayado siya sa mga natatanggap na ulat na may ilang tauhan ng gobyerno na naglalagay ng SONA-related materials sa mga pampublikong espasyo habang sinasalanta ng baha ang ilang komunidad.
“Let me be clear: all SONA-related preparations are hereby ordered immediately suspended,” saad sa pahayag ng nasabing opisina.
Dagdag pa rito, “The Department of Public Works and Highways, along with all concerned agencies, must put full attention and exclusive focus on flood response and relief operations.”
Inaasahan umano na ang lahat ng ahensya ng gobyerno ay susunod sa direktiba ng pangulo na itutuon ang aksyon sa pagtiyak ng kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa panahon ng krisis.
Samantala, nakatakda namang ganapin sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City ang ulat sa bayan ng pangulo sa darating na Hulyo 28, Lunes.